Tinapos ni Alexandra Eala ang kampanya sa WTA 500 Ningbo Open matapos matalo sa sixth seed na si Diana Shnaider ng Russia, 5-7, 4-6, nitong Huwebes sa Yinzhou Tennis Center sa China.
Unang tinalo ng Pilipina ang qualifier na si Diane Parry ng France, 6-3, 6-1, sa first round.
Mula sa bronze medal sa singles event ng Japan Asian Games noong nakaraang buwan, dumerecho si Eala sa Wuhan Open kung saan nalaglag siya sa first round ng singles at doubles katambal ang kaibigan na si Zeynep Sönmez ng Turkey.
Bumaba ng isang hakbang sa world rankings si Eala sa No. 19 matapos ang pagkakatanggal sa first round ng Singapore Open na ginanap bago ang Asian Games, at sa Wuhan Open.
Samantala, makakaharap naman ni Shnaider sa susunod na round ang No. 4 seed na si Iva Jovic ng US, na tinalo si Jasmine Paolini ng Italy, 6-4, 6-3.
Pasok din sa final eight sina Leylah Fernandez ng Canada at Marie Bouzkova ng Czech Republic.
Nakalusot si Fernandez, na ang ina ay Pilipina, kay Aliaksandra Sasnovich ng Belarus, 7-5, 6-7 (3), 6-3, upang makaharap ang Russian na si Ekaterina Alexandrova, na nanalo sa unang set, 6-4, bago umayaw si Marta Kostyuk ng Ukraine dahil sa wrist injury.
Samantala, pinabagsak ni Bouzkova si Anastasia Zakharova ng Russia, 7-5, 6-2, upang makabuo ng quarterfinal duel laban sa kababayan niyang si Sara Bejlek, na tumalo kay Sorana Cirstea ng Romania, 7-6 (3), 6-4.
Samantala, ginulat ng unseeded na si Katarzyna Kawa ng Poland ang No. 5 seed na si Belinda Bencic ng Switzerland, 7-5, 6-2, upang umabante kontra top seed at defending champion na si Elena Rybakina ng Kazakhstan.
Injury rin ang dahilan ni Polina Kudermetova ng Uzbekistan kaya nagretiro habang nangunguna si Rybakina, 5-0, sa unang set.
Umatras noong Miyerkules si world No. 9 Iga Świątek ng Poland dahil sa injury naman sa hita.
“After careful consideration, I’ve decided to withdraw from the tournament. I’ve been experiencing an ongoing problem with my left thigh over the past weeks and I feel that giving myself the time to rest and recover is the right decision,” aniya.
“I was really looking forward to competing here and I want to thank the tournament organizers and everyone who was hoping to see me play. I’m already looking forward to coming back next year!”


