Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

10 LGU programs pinarangalan sa 2026 Galing Pook Awards

Kinilala ng pamahalaan ang 10 natatanging programa ng mga lokal na pamahalaan sa 2026 Galing Pook Awards, kabilang ang mga proyekto sa disaster response, kabuhayan, edukasyon, kalusugan, transportasyon at pangangalaga sa kapaligiran.

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang awarding ceremony sa Malacañang noong Miyerkules, October 21, kasabay ng pagdiriwang ng Local Government Month.

“Every community has its own story of challenges, recovery, and hope,” ani Marcos, na binigyang-diin ang papel ng local government units (LGUs) sa paghahatid ng serbisyo sa mga komunidad.

Sa temang “Islands of Hope: Local Innovations, National Inspiration,” umabot sa 208 ang entries mula sa 148 LGUs sa buong bansa. Mula rito, 34 ang sumailalim sa field validation, 19 ang naging finalists at 10 ang napiling winners.

Kabilang sa mga pinarangalan ang Iloilo City para sa Iloilo City Action and Resilience (ICARe) Centers program, na naglalayong mapabilis ang pagtugon sa sunog, sakuna at iba pang emergency.

May siyam na ICARe Centers ang lungsod na pinagsasama ang mga tauhan ng Philippine National Police, Bureau of Fire Protection at Iloilo City Emergency Responders.

Ayon sa lokal na pamahalaan, nasa apat hanggang walong minuto ang average emergency response time sa ilalim ng programa.

Nakapagsanay na rin ito ng 91,000 katao sa disaster preparedness, katuwang ang 27 volunteer groups at mahigit 100 lokal at international organizations.

Pang-apat na Galing Pook Award na ito ng Iloilo City matapos ang mga pagkilala noong 2012, 2018 at 2022.

Pinarangalan din ang bayan ng Del Carmen sa Surigao del Norte para sa Farm-to-Spoon program na sumusuporta sa kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda.

Sa Baguio City, kinilala ang Project Denguerra dahil sa community-driven campaign nito na nakatulong sa malaking pagbaba ng dengue cases.

Ginawaran naman ang Bataan para sa E-Mobility program na nagsusulong ng paggamit ng electric vehicles bilang mas malinis na transportasyon.

Kasama rin sa winners ang Quezon City para sa KABAHAGI program na nagpapalawak ng serbisyo sa mga batang may kapansanan, at Valenzuela City para sa Building Spaces in a Spaceless City na ginagawang pampublikong parke at recreational areas ang mga bakanteng lugar.

Sa Davao del Norte, kinilala ang KAAGAPAY agricultural livelihood program, habang pinarangalan ang Barangay Pamarawan sa Malolos City, Bulacan, sa paggamit ng mga katutubong materyales gaya ng kawayan para labanan ang coastal erosion.

Ginawaran din ang Pagayawan, Lanao del Sur, para sa One Name, One Identity: Walang Maiiwan Pagayawan, na nagpapahusay sa resident registration at paghahatid ng serbisyo.

Sa Oriental Mindoro, kinilala ang Zero Illiteracy and Innumeracy Program for Mangyans na nagtuturo ng pagbasa, pagsulat at numeracy sa mga katutubong komunidad.

Bukod sa regular awards, tumanggap din ang Iloilo City at Baguio City ng kauna-unahang Galing Pook Resilience Awards para sa kanilang disaster at climate resilience initiatives.

“The beauty of innovation is that there is always room for improvement,” ani Marcos, na hinikayat ang mga LGU na patuloy na paghusayin ang kanilang mga programa at ibahagi ang matagumpay na mga hakbang sa ibang lokal na pamahalaan.

“We must continue to encourage new ideas and build on the solutions that have already been made,” dagdag niya.

Sinabi rin ng Pangulo na mahalagang gawing batayan ang mga kinilalang programa para sa pagpapabuti ng serbisyo publiko at pagbuo ng mga solusyong maaaring tularan ng ibang LGUs. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles