Ginisa ni Senator-Judge Lito Lapid ang testigo ng kampo ni Vice President Sara Duterte matapos itong mahirapang sagutin ang mga tanong tungkol sa kanyang dating accounting firm.
Sa impeachment trial nitong Martes, November 10, direktang kinumpronta ni Lapid si Davao City Accountant Vingelin Bajan.
“Sana hindi naman kayo nagagamit. Nagagamit ba kayo?” tanong ni Lapid.
“Hindi po,” sagot ni Bajan.
“Kasi sa haba-haba ng halos maghapon, ang mga tanong ng mga senator-judge, halos hindi niyo nasasagot,” banat ng senador.
Naunang sinabi ni Bajan na partner lamang siya sa pangalan sa Ampil, Elises, Ciudadano and Co., CPAs, ngunit hindi aktuwal na gumaganap sa kompanya. Inalis ang kanyang pangalan sa partnership noong 2015.
Sa pagtatanong ni Senator-Judge Bam Aquino, inamin niyang nakatanggap siya ng allowances mula sa firm matapos unang sabihing hindi niya matandaan kung binayaran siya nito.
Kinuwestiyon din ni Lapid kung bakit nakaugnay ang pangalan ni Bajan sa kompanyang hindi umano niya alam ang mga audit at kliyente.
“Eh kasi ginagamit yung pangalan niyo, wala naman kayong pakinabang,” ani Lapid.
Ipinatawag ng depensa si Bajan para ipaliwanag ang compensation records ni Duterte sa Davao City, ngunit nauwi rin ang pagtatanong sa mga audit ng kanyang dating firm sa mga negosyong may kaugnayan sa pamilya ng Bise Presidente. /Bistado


