Kinoronahan sina Caitlin Simmers ng United States at Gabriel Medina ng Brazil bilang kampeon sa kauna-unahang World Surf League (WSL) Championship Tour Philippines Pro na nagtapos sa Cloud 9 sa Siargao Island nitong Martes.
Tinalo ni world No. 6 Simmers ang Australian na si Isabella Nichols sa iskor na 12.00-10.77 upang maging kauna-unahang kampeon sa women’s division ng Philippine leg.
Nakuha ni Simmers ang puwesto sa championship round matapos talunin sa semifinals ang kababayang si Carissa Moore, na No. 2 sa mundo.

Natapos ang kampanya ni Moore nang makatanggap ng Interference Penalty 2, na nagresulta sa pagbura ng puntos mula sa wave kung saan naganap ang paglabag, gayundin sa kanyang ikalawang scoring wave.
Nakapasok naman sa final si Nichols matapos talunin ang kapwa Australian na si Tyler Wright sa kabilang semifinal ng kompetisyong inihandog ng Philippine Sports Commission.
Sa men’s final, tinalo ni Medina, na No. 4 sa world rankings, si Jack Robinson ng Australia upang masungkit ang kauna-unahang PH men’s crown. Nagtapos si Medina na may 16.93 puntos laban sa 14.50 ni Robinson.
Nabuo ni Medina ang kanyang panalong iskor matapos makakuha ng 9.43 puntos sa kanyang unang wave at 7.50 puntos naman sa ikalawa.
Nagtala naman si Robinson, na nasa ika-12 puwesto sa world rankings, ng 8.23 at 6.27 puntos.
Bago makarating sa final, pinatalsik ni Medina sa semifinals ang world No. 1 na si Yago Dora ng Brazil, habang nakapasok naman sa final si Robinson matapos talunin ang kapwa Australian na si Ethan Ewing.
Makakatanggap sina Medina at Simmers ng tig-USD80,000, habang kalahati naman nito ang i-uuwi ng mga runner-up.
Makakatanggap naman sina Dora, Ewing, Moore at Wright ng tig-USD20,000 bilang third placer.
Samantala, makakatanggap ang mga Filipino wild card na sina John Mark Tokong at Jayuard Alciso ng tig-USD14,000 matapos makapasok sa second round at magtapos sa ika-siyam na puwesto.
Si Noah Arkfeld ay magkakaroon ng ang USD13,000 bilang kapalit ng nasugatang Australian na si Morgan Cibilic.
Wagi pa rin maituturing ang tubong La Union na si Mara Lopez, 15, na makakakuha ng USD13,500, bagamat hindi umubra sa first round laban kay Molly Picklum, ang Australian world No. 1 na nagtapos sa ikalimang pwesto.


