Iniutos ng Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 145 nitong Huwebes, November 12, ang pag-aresto kina Pastor Apollo Quiboloy, Teresita Tolibas Dandan at Helen Panilag. Hinihiling ng Estados Unidos na ipadala roon ang tatlo para litisin.
Inihain ng Department of Justice (DOJ) ang petisyon noong November 9 sa ngalan ng gobyerno ng US. Naitala ito bilang kasong R-MKT-26-02823-SP.
Ayon sa DOJ, nakakita ang korte ng probable cause na ang tatlo ang tinutukoy sa mga warrant at sakdal sa US, sakop ng extradition ang mga kaso, at may batayang iugnay ang bawat isa sa krimeng ibinibintang sa kanya. Pagpapasyahan pa ng korte ang mismong petisyon.
Pinagbawalan din ng korte ang bawat isa na lumabas ng bansa “to prevent any attempt by each of them to depart from the Philippines,” ayon sa DOJ.
Nahaharap si Quiboloy sa mga kasong sex trafficking sa US, kabilang ang sex trafficking ng mga menor de edad. Itinanggi niya ang mga paratang. Nakakulong siya sa Pilipinas habang dinidinig ang mga kaso ng pang-aabuso sa Quezon City at qualified human trafficking sa Pasig.
Kapag naabisuhan ang korte na naipatupad na ang warrant, personal na ihahatid sa tatlo ang summons, petisyon at mga kalakip nito. Ayon sa DOJ, may “fifteen (15) days, from receipt of the summons, to file a verified Answer” ang bawat isa. /Bistado


