Ginulat ng World No. 14 na si Yolanda Hopkins ng Portugal ang World No. 3 na si Gabriela Bryan ng United States upang umusad sa quarterfinals ng women’s division ng kauna-unahang World Surf League (WSL) Championship Tour Philippines Pro sa Cloud 9 reef break sa Siargao Island, Surigao del Norte nitong Sabado.
Nagtala si Hopkins ng pinagsamang 10.10 puntos mula sa mga alon na nagkakahalaga ng 5.27 at 4.83 sa Heat 2 upang itakda ang paghaharap nila ni World No. 6 Caitlin Simmers, na mula rin sa US, sa torneo na inihahandog ng Philippine Sports Commission.
Nagtapos si Bryan sa ikasiyam na puwesto tangan ang kabuuang 7.00 puntos mula sa kanyang mga alon na may markang 4.00 at 3.00, sapat upang makakuha ng 2,000 championship points.
Idinaos ang kompetisyon sa gitna ng apat hanggang anim na talampakang taas ng mga alon, na nagbigay ng mapanghamong kondisyon sa pinakamahuhusay na surfer sa mundo.
Nakatulong naman ang mahinahong hangin upang mapanatili ang maayos na daloy ng mga alon.
Dinomina ni Simmers ang kapwa Amerikanang si World No. 11 Caroline Marks.
Nagtala si Simmers ng kahanga-hangang 15.17 puntos mula sa mga alon na may markang 9.00 at 6.17.
Samantala, nakakuha lamang si Marks ng 9.00 puntos mula sa 5.50 at 3.50, dahilan upang makuntento rin siya sa ikasiyam na puwesto at 2,000 championship points.
Inilarawan ni Simmers ang tanyag na surfing spot sa Siargao bilang isa sa kanyang mga paboritong destinasyon dahil sa mga teknikal na hamon.
“Honestly, I keep telling people it’s one of my favorite waves on the planet because it’s just really tight and you kind of have to do some exciting things in the spaces you get. It’s pretty hard to just do your stock-standard couple of turns on it,” pahayag ni Simmers.
Ayon sa kanya, nangangailangan ang Cloud 9 ng pagkamalikhain at eksaktong tiyempo dahil sa pabago-bagong bahagi ng mga alon na nagtutulak sa mga surfer na baguhin ang kanilang estratehiya habang naghahanap ng pagkakataong maisagawa ang mahihirap na maniobra.
Binigyang-diin niya ang dulong bahagi ng alon bilang magandang lugar para magsagawa ng mga aerial maneuver at nagpahayag ng pag-asang sasamantalahin ng pinakamahuhusay na babaeng surfer sa mundo ang pagkakataong maipakita ang kanilang kakayahan.
“I think I’m just hoping all the girls do airs because these are the best surfers in the world, best women in the world. And I know every single one of them can do an air on that end section. It’s just a matter of timing, really,” aniya.


