May karapatan ang mga konsumer na saksihan ang pagtanggal at pagsusuri sa kanilang metro ng kuryente, giit ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Inilabas ng ERC noong Lunes, July 20, ang pahayag kasunod ng panawagan ni Akbayan Rep. Chel Diokno na mahigpit na ipatupad ang karapatang ito bago magpataw ng multa o ibang singil ang mga distribution utility (DU).
“The Energy Regulatory Commission (ERC) issues this statement on the right of consumers to witness the testing of their electricity meters, the consequences of procedural non-compliance by distribution utilities, and the ERC’s enforcement mandate under existing laws and other rules and regulations,” anang komisyon.
Sinabi ng ERC na nakapaloob ang proteksiyon sa Republic Act No. 7832 o Anti-Electricity and Electric Transmission Lines/Materials Pilferage Act of 1994 at Magna Carta for Residential Electricity Consumers (MCREC).
Sa ilalim ng Article 24 ng MCREC, kailangang masaksihan ng konsumer, occupant o kuwalipikadong residente ang apprehension kaugnay ng umano’y ilegal na paggamit ng kuryente. Dapat ding naroon ang alagad ng batas o kinatawan ng ERC.
Kung walang awtorisadong kinatawan ng ERC, kailangang ilagay ang nakumpiskang metro sa angkop na lalagyan, markahan at selyuhan. Tanging ang awtorisadong kinatawan ng komisyon ang maaaring magbukas at sumuri rito.
Hindi maaaring putulin ang serbisyo bago maglabas ang ERC ng meter test report na nagpapatunay na ginalaw ang metro. Habang hinihintay ang resulta, dapat itong palitan ng wastong metro at panatilihin ang serbisyo.
Kapag nakumpirma ang tampering at hindi nabayaran ang differential billing sa itinakdang panahon, maaari nang putulin ang kuryente. Ang hindi pagsunod ng DU sa proseso ay maaari ring humadlang sa paniningil nito ng differential billing at magresulta sa administrative sanctions.
Mahalaga ang mga safeguard dahil maaaring umabot sa 60 billing months ang differential billing sa kasong may ilegal na paggamit ng kuryente.
Sa ilalim naman ng Philippine Distribution Code (PDC), obligado ang mga DU na panatilihing maayos ang metering equipment at maagap na tukuyin at kumpunihin ang mga depekto. Hindi maaaring gawing tanging batayan sa paniningil ang sirang metrong pinabayaan mismo ng utility.
Nilinaw din ng ERC na walang blanket “pay-first” rule sa lahat ng pinagtatalunang bill.
Sa mga reklamong saklaw ang differential billing, billing adjustment, meter error at estimated consumption, awtomatikong nasususpinde ang disconnection kapag naghain ng reklamo sa ERC. Hindi muna kailangang bayaran ang pinagtatalunang halaga.
Para sa bill na mahigit 100 porsiyento sa karaniwang buwanang konsumo, average monthly bill lamang ang babayaran habang inaayos ang reklamo. Maaari ring maglagak ng bond para mapigil ang disconnection sa antas ng ERC.
Sa ibang billing dispute, maaaring magbayad under protest ang konsumer habang naghahain ng reklamo para mapanatili ang kanyang mga legal na remedyo.
“The ERC is not waiting to be told to enforce this right,” diin ng komisyon.
“Transparency, due process, and consumer welfare are not aspirations for this Commission. They are our obligations.” /Bistado


