Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

UST Jr. Tigresses kampeon sa Jrs. National Invitationals Volleyball

Nanaig ang University of Santo Tomas laban sa St. John’s Institute (SJI)-Bacolod, 25-19, 25-23, 23-25, 18-25, 19-17, upang makuha ang kampeonato ng 2026 Shakey’s Juniors National Invitationals nitong Sabado ng gabi sa Playtime FilOil Centre sa San Juan City.

Nagtala ang Most Valuable Player na si Nicole Pelaez ng 27 puntos mula sa 24 attacks, dalawang blocks at isang ace para sa Junior Tigresses, na kumumpleto sa season sweep matapos ang kanilang kampeonato sa 2026 Shakey’s Girls Volleyball Invitational League Rising Stars Cup Division 1 noong Mayo.

Nagdagdag si Jyrah Romias ng 17 puntos, habang nag-ambag sina Anneli Manzanillo at Eliz Menchavez ng tig-14 at 13 puntos, ayon sa pagkakasunod.

“The turning point was at 12-8 (in the fifth set). The body language of our players changed. But it was really in the fifth set that whoever wanted to win and fight more, the victory would go to him,” ani UST coach Yani Fernandez.

Sa pangunguna nina Caera Celis, Edz Escultura at Kristel Mirasol, nagawa ng SJI-Bacolod na angkinin ang ikatlo at ikaapat na set upang ma-itulak ang laban sa deciding fifth set.

Pinangunahan ni Celis ang Falcons sa kanyang 28 puntos, kabilang ang 26 mula sa attacks, habang nagdagdag sina Escultura at Mirasol ng 14 at 13 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Si Manzanillo ay tinanghal na Best Middle Blocker samantalang si Ache Tan Chun Bing ay Best Setter.

Samantala, umasa ang Arellano University High School kay Cassandra Paralejas upang talunin ang One La Salle, 19-25, 25-15, 25-20, 25-19, sa labanan para sa bronze medal.

Naiskor ni Paralejas ang 21 sa kanyang kabuuang 22 puntos mula sa attacks, habang nagdagdag sina Arah Suizo at Ysabelle Borja ng 12 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Pinangunahan ni Antonella Jayobo ang One La Salle sa kanyang 16 puntos, sinundan nina Aislinn Alemana na may 15 at Kylie Celada na may 12.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles