Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

NBI: Banta ni VP Sara, itinuturing nang ‘plano’ para patayin si PBBM

Hindi na simpleng banta kundi isang umano’y plano para patayin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtingin ng National Bureau of Investigation (NBI) sa mga pahayag ni Vice President Sara Duterte, ayon kay NBI Director Melvin Matibag.

Sa kanyang testimonya sa Senate impeachment court nitong Martes, sinabi ni Matibag na patuloy ang imbestigasyon ng NBI kay Duterte kaugnay ng umano’y banta laban sa Pangulo, First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

“From our law-enforcement perspective, ang ginawang banta ng Vice President ay tinatrato na namin hindi banta kundi isang plano para po sa pagpatay sa ating Pangulo, and that is a threat to the President which we consider also na threat na po sa ating national security,” pahayag ni Matibag.

Huling testigo ng House prosecution sa ilalim ng Article IV si Matibag. Nakatuon ang naturang impeachment charge sa mga pahayag ni Duterte noong November 23, 2024 laban sa tatlong opisyal.

“Ang ating Vice President ay kasalukuyang subject sa ating continuing investigation doon po sa pagbabanta at planong pagpatay po sa ating Pangulo, sa First Lady at sa dating Speaker of the House,” aniya.

Nilinaw ni Matibag na hindi nagtapos ang trabaho ng NBI sa pagsasampa ng mga reklamong grave threats at inciting to sedition na nakabinbin ngayon sa Department of Justice (DOJ).

Bumuo ang ahensiya ng special task force para ipagpatuloy ang imbestigasyon, bantayan ang mga banta at agarang iulat ang impormasyong nangangailangan ng aksiyon.

“Tayo po ay nagtatag ng tinatawag na special task force sa pamamagitan ng pag-create ng isang administrative order, kung saan bumalangkas po tayo ng mga miyembro ng aming opisina para sila po ang magpatuloy ng imbestigasyon na ito at mag-monitor po ng mga kailangang gawin,” sabi ni Matibag.

Nakasaad ang pagbuo ng task force sa Administrative Order No. 11 na inilabas noong April 16, 2026. Iniharap ito ng prosekusyon bilang Exhibit P-429 at nangakong magsusumite ng certified true copy.

Kabilang sa task force ang mga dibisyon ng NBI para sa National Capital Region, cybercrime, organized and transnational crime, technical intelligence at digital forensics.

Saklaw ng kanilang trabaho ang surveillance, pagmomonitor sa mga banta sa social media, pakikipag-ugnayan sa foreign counterparts at technical examination ng ebidensiya.

Ayon kay Matibag, isa sa mga ikinonsidera sa pagbuo ng task force ang broadcast ng RAGE Coalition rally noong April 12.

“May broadcast po ng isang rally na tinatawag na RAGE Coalition. If I remember it correctly, it’s April 12, na nagsalita ang Mayor ng Davao City na si Mr. Sebastian Duterte na sinabi na, ‘Isang ulo lang naman ang kailangan namin, at iyan ay ang ulo ni Bongbong Marcos.’ Iyan po ay aming isinama sa aming factor upang buuin po itong Administrative Order No. 11,” testimonya niya.

Tumutol ang depensa sa pagtalakay sa rally dahil wala umano itong kaugnayan sa kaso. Pinayagan ng presiding officer ang pagtatanong ngunit inatasan ang prosekusyon na iugnay ang video sa usaping dinidinig ng korte.

Nauna ring tumutol ang depensa sa testimonya tungkol sa task force dahil hindi umano binanggit ang pagbuo nito sa Articles of Impeachment. Pinayagan pa rin ng presiding officer ang testimonya dahil maaari itong magkaroon ng kaugnayan sa persistence na gustong patunayan ng prosekusyon. Nagtala ang depensa ng continuing objection.

Binigyang-diin ni Matibag na ang banta laban sa pinakamataas na opisyal ng bansa ay may posibleng epekto sa pamahalaan at seguridad ng Pilipinas.

“Anumang banta sa ating Pangulo ay banta sa seguridad ng ating bansa sapagkat ito ay magdudulot ng kaguluhan, ligalig at destabilization po sa ating gobyerno at sa ating bansa,” aniya. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles