Handa umanong ilantad ng mga pangunahing partido sa Kamara ang mga proyektong nakalaan sa kani-kanilang distrito sa panukalang 2027 national budget, kasabay ng paglilinaw na humigit-kumulang P115 bilyon, hindi P190 bilyon, ang mga pagbabagong dumaan sa Budget Amendments and Review Subcommittee (BARSc).
Sa press conference sa Romualdez Hall nitong Lunes, November 9, iginiit ng mga mambabatas na nakabatay sa pangangailangan ng bawat distrito ang mga alokasyon at dapat bukas ang mga ito sa pagsusuri ng publiko.
“So, regarding that question, NPC, we have no problem in divulging kung ano po ang nakalaan sa ating pong mga budget sa kanya-kanyang district,” ani Camarines Sur Rep. Arnie Fuentebella para sa Nationalist People’s Coalition (NPC).
Ganito rin ang paninindigan ng Lakas, ayon kay Negros Oriental Rep. Janice Degamo.
“The same is true for the Lakas Party. Every member of the party is open to showing the budget and for the reason that walang tinatago po ang mga kasama natin in the party,” ani Degamo.
Sumang-ayon din si Davao del Norte Rep. JM Lagdameo para sa Partido Federal ng Pilipinas (PFP), habang iginiit ni Surigao del Sur Rep. Romeo Momo Sr. ng Nacionalista Party na hindi dapat pantay-pantayin ang pondo ng mga distrito dahil magkakaiba ang kanilang pangangailangan.
“The distribution of the budget is on the needs of each district,” ani Momo.
Nilinaw naman ni FPJ Panday Bayanihan Rep. Brian Poe na ang party-list representatives ay naghahain ng mga kahilingan sa mga ahensya batay sa kanilang kinakatawang sektor, sa halip na sa isang geographic district.
P115B, hindi P190B
Samantala, itinama ni Fuentebella ang naunang nabanggit na P190 bilyong budget amendments.
“It’s only 115 billion,” paglilinaw niya.
Naunang nabanggit ni House Appropriations Committee Senior Vice Chairperson at Bataan Rep. Albert Garcia ang P190 bilyon bago humingi ng mas detalyadong paliwanag mula kay Appropriations Chairperson Mikaela Angela Suansing.
Ayon kay Momo, hindi lahat ng amendment ay paglilipat ng pondo sa pagitan ng mga ahensya. Kabilang dito ang pagwawasto ng maling detalye, dobleng entry at iba pang pagkakamali sa mga proyekto.
Halimbawa, sinabi ni Degamo na may tatlong water project sa kanyang distrito na tama ang bayan at barangay ngunit maling lalawigan ang nakalagay.
Iginiit naman ni Garcia na karamihan sa mga pagbabago ay nagmula sa mga ahensya at mga pangangailangang hindi naisama sa unang panukalang budget.
“Most of the amendments came from the agencies or yung mga na-miss out doon sa bottom-up budgeting. So, needs-based po yan on the ground,” ani Garcia.
“Wala pong pinag-uusapan sa BARSc na hindi po sa kanila (agencies) nanggaling,” dagdag ni Fuentebella.
Nauna nang nagtala ang People’s Budget Coalition ng P116.32 bilyong provisional recommendations mula sa BARSc livestream noong October 1, bago nabuo ang pinal na House bill.
Hiwalay ito sa mahigit P1 trilyong alokasyong kinuwestiyon ng koalisyon, na kinabibilangan ng assistance, infrastructure at unprogrammed appropriations.
Budget reforms, ipinagtanggol
Ipinunto rin ni Garcia ang mga reporma sa Kamara, kabilang ang livestreamed budget hearings, pagbuo ng BARSc kapalit ng kontrobersyal na small committee at paglulunsad ng public budget portal.
“Ginawa na po nating live yung mga hearings, nag-create po tayo ng BARSc to replace the small committee, the very controversial small committee, and ngayon po, pinagpapatuloy natin even more reforms,” ani Garcia.
Ayon sa kanya, inilunsad ang budget portal noong September 9, isang araw matapos humiling ang mga civil society representative ng mas madaling access sa mga dokumento.
Hinimok niya ang publiko na suriin ang mga pagdinig upang malaman ang dahilan ng mga pagbabago sa budget, kabilang ang mga pagtalakay na umabot ng 10 oras o higit sa isang araw.
Binanggit din ni Garcia ang pangako ni Speaker Faustino Dy III na pigilan ang mga ghost project.
Nasa Senado na ang House-approved 2027 spending bill para sa pagsusuri bago ang bicameral reconciliation.
Inamin naman ni Garcia na kailangan pang pagbutihin ang mga reporma sa proseso ng budget.
“Are we happy with the reforms? Are we complete with the reforms? Is it perfect already? No. Far from it,” aniya.
“So nandito po kami to provide more clarity, and it is a work in progress,” dagdag niya. /Bistado


