Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

NU, Ateneo, pinaghatian ang UAAP badminton team titles

Nasungkit ng National University (NU) ang kampeonato sa kauna-unahang UAAP men’s badminton team event matapos dominahin ang Ateneo de Manila University, 3-1, sa finals na ginanap kamakailan sa Gameville Central Park sa Mandaluyong City.

Pinangunahan ng team captains na sina Lanz Zafra at Clarence Villaflor ang Bulldogs matapos kapwa magwagi sa kanilang singles matches sa best-of-five tie.

Dinurog ni Zafra ang rookie na si Rolan De Guzman, 21-7, 21-9, habang tinalo naman ni Villaflor si Wijel Albo, 21-9, 21-13.

Nakabawi ang Ateneo sa pamamagitan nina co-captains Robby Ramos at Lance Vargas na nanaig kina John Vincent Lanuza at MJ Perez, 21-17, 16-21, 21-7. 

Gayunman, tuluyang sinelyuhan ng NU ang kampeonato matapos magtagumpay sina John Benedict Gam at rookie Jacinth Paul Ruedas laban sa reigning Most Valuable Player na si Lyrden Laborte at Allen Penute, 21-19, 21-14.

“As a team captain, sobrang happy ko sa mga teammates ko sa nilaro nila,” pahayag ni Zafra, isang dating pambansang atleta.

Tinalo naman ng University of the Philippines (UP) ang University of Santo Tomas, 3-2, upang masungkit ang bronze medal.

Nakasalalay ang tagumpay ng Fighting Maroons sa rookie na si Jerard Borgador, na nanaig kay Ivan Tuazon, 16–21, 21–16, 21–16, para makuha ang ng UP ang bronze medal.

Sa women’s division, Ateneo naman ang nagkampeon matapos talunin ang NU, 3-1.

Nakuha muna ni Ysabel Amora ng NU ang unang panalo kontra Arkeexa Ojera, 21-5, 21-4, bago winalis ng Ateneo ang sumunod na tatlong sagupaan.

Tinalo ni Althea Ocampo si Karyll Rio, 21-15, 20-22, 21-12; nanaig sina Daena Castro at Andrea Hernandez kina Hailene Diaz at Naeomi Gulpany, 21-12, 18-21, 21-10; habang dinaig nina Althea Herandez at Angel Valle sina Tia Bualat at Lee-Anne De Leon, 14-21, 21-19, 21-8.

Muling nakuntento sa bronze medal ang UP Fighting Maroons matapos walisin ang Adamson University Lady Falcons, 3-0.

Sa men’s individual event, nanaig si Zafra kay Zeth Quiambao ng Ateneo, 21-14, 15-21, 21-14, sa quarterfinals nitong Sabado.

Makakaharap niya si Shan Clar ng UP sa semifinals sa Nobyembre 2, ganap na ala-1 ng hapon.

Tinalo ni Clar, ang Season 87 Rookie of the Year, ang rookie na si Steveric Muring ng Adamson, 21-17, 21-16.

Umarangkada rin si Villaflor matapos talunin ang Season 88 Rookie of the Year na si Lovic Javier ng De La Salle University, 21-13, 21-7.

Makakaharap ni Villaflor si Vargas ng Ateneo, na nagwagi laban kay John Vincent Saturinas ng Adamson, 21-13, 7-21, 21-14.

Sa men’s doubles, pinataob nina Karl Contreras at Gift Linaban ng La Salle sina MJ Perez at Ruedas ng NU, 21-14, 16-21, 23-21, upang makausad sa susunod na round kung saan makakaharap nila sina Ramos at Laborte ng Ateneo.

Nagtala sina Ramos at Laborte ng 21-7, 21-13 panalo laban kina Prince Betaisar at Jasper Manlangit ng Adamson.

Tinalo nina Arjay Lazareto at Ryan Mendoza ng UP sina John Paul Badang at Eur Cabanducos ng Adamson, 21-16, 21-14, upang makaharap sa semifinals sina Ben Dictado at Gam ng NU, na nanaig kina Albo at De Guzman ng Ateneo, 21-15, 21-12.

Gaganapin ang individual at doubles finals sa Nobyembre 3.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles