Pwede nang magbalik sa face-to-face classes ang mga paaralan kahit may umiiral pang class suspension sa kanilang lungsod o lalawigan, basta ligtas na ang campus at may pahintulot mula sa alkalde o gobernador.
Ito ang nakasaad sa Executive Order (EO) No. 130 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong October 28 para mabawasan ang pagkaantala sa pag-aaral dahil sa bagyo, baha, matinding init at iba pang kalamidad.
Sa bagong patakaran, kailangan ng dokumentadong safety assessment na nagpapatunay na ligtas ang paaralan at mga daan papunta rito bago muling magbukas.
Para lamang ito sa localized suspensions na idineklara ng LGU at hindi sa automatic suspensions batay sa opisyal na hazard warnings.
Sakop ng EO ang lahat ng pampubliko at pribadong paaralan, kolehiyo, technical-vocational institutions at learning centers.
Tatlong uri ng class suspension ang itinatakda:
AUTOMATIC: Kapag naabot ang hazard thresholds batay sa babala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), Phivolcs at iba pang ahensya.
LOCALIZED: Idedeklara ng alkalde o gobernador batay sa panganib sa lugar. Kailangang tukuyin ang mga apektadong barangay o paaralan at tagal ng suspensyon.
GRANULAR: Maaaring ideklara ng school head kapag may aktuwal o napipintong panganib sa campus, sa koordinasyon ng LGU.
“We can no longer rely on sweeping, blanket suspensions when a campus is dry, safe, and ready to teach,” ani Education Secretary Sonny Angara.
Kahit suspendido ang face-to-face classes, maaaring ipagpatuloy ang pag-aaral sa pamamagitan ng alternative learning arrangements.
Papalitan din ng bagong hazard thresholds ang dating sistema ng automatic suspension batay sa storm signals at grade levels sa ilalim ng EO No. 66 noong 2012.
Ilalabas ng Department of Education (DepEd), kasama ang DILG, CHED, TESDA at iba pang ahensya, ang implementing guidelines sa loob ng 30 araw mula sa bisa ng EO.
Mananatili namang sakop ng EO No. 66 ang pagsususpinde ng trabaho sa iba pang tanggapan ng gobyerno. /Bistado


