Tinalo ng second seed Pinay na si Alexandra Eala ang fourth seed na si Maria Sakkari ng Greece, 7-5, 3-6, 6-2, nitong Sabado ng gabi upang makapasok sa finals ng WTA 250 Prudential Hong Kong Open sa outdoor hardcourt ng Victoria Park Tennis Stadium.
Makakaharap ng 21-anyos na si Eala ang Amerikanang si Claire Liu, na nagwagi naman laban sa Russian na si Alexandra Shubladze, 7-5, 6-4, sa isa pang semifinal match.
Nagpakawala ng limang aces si Sakkari, dating World No. 3, upang dominahin ang second set na ilang ulit naantala dahil sa ulan.
Patuloy na nakaapekto ang panahon sa third set at muling itinigil ang laro nang manguna si Eala, 3-0.
Matapos itabla ni Sakkari ang iskor sa 4-all, nakuha ni Eala ang sumunod na dalawang games upang tapusin ang laban makalipas ang dalawang oras at 43 minuto.
Sa kabila ng pagkatalo, hindi naging madaling kalaban si Sakkari. Matapos mabigo sa unang 10 puntos at mahuli sa 1-3 sa opening set, dalawang beses niyang nabura ang kalamangan ni Eala upang makalamang, 5-4.
Gumanti naman si Eala sa pamamagitan ng tatlong sunod na panalo sa games upang masungkit ang unang set.
“It was just blank,” ani Eala tungkol sa kanyang naging mindset habang naaantala ang laro dahil sa ulan, sa panayam sa kanya sa court.
“It was a lot of patience, but a lot, a lot, a lot of focus. It gave me time to really focus in on the next points, but I’m really happy that I was able to come out of that a better player.”
Isang beses pa lamang nagkakaharap sina Eala at Liu, kung saan nanalp ang Amerikana sa Guangzhou noong nakaraang taon, 2-6, 6-4, 6-4.
Habang pinaghirapan ni Eala ang kanyang pag-usad sa finals, naging mas madali naman ang naging kampanya ni Liu. Hindi pa ito natatalo sa isang set sa torneo matapos magwagi kontra kina Tatiana Prozorova ng Russia at No. 8 seed na si Katie Boulter ng Great Britain.
Hindi masama para sa isang manlalarong dumating sa Hong Kong na wala pang naipapanalong laban sa naturang torneo.
Matapos simulan ang linggo na bahagyang nasa labas ng top 100, inaasahang babalik si Liu sa top 80 anuman ang maging resulta ng finals ngayong Linggo.
Maaari siyang makapasok sa top 70 at makamit ang kanyang kauna-unahang WTA title sakaling magwagi. Samantala, target naman ni Eala ang ikalawang titulo sa kanyang propesyonal na karera at inaasahang makakapasok sa top 15 sa papasok na linggo.
“I’m glad to be having a really good week, especially to close out the year,” pahayag ni Liu. “Whoever I play is going to be really good, so I’m just looking forward to a good match and hopefully playing some good tennis.”


