Muling natapos ng maaga ang kampanya ni Alexandra “Alex” Eala nang matalo sa Pan Pacific Open quarterfinals kontra third-seeded na Russian na si Diana Shnaider, 6-2, 6-7(5), 4-6, sa Ariake Coliseum sa Tokyo, Japan nitong Biyernes ng gabi.
Nabigo rin si Eala, na kasalukuyang No. 19 sa world rankings, laban kay Shnaider, 5-7, 4-6, sa Round of 16 ng Ningbo Open sa China noong nakaraang linggo.
Makakaharap ni Shnaider sa semifinals si Mia Pohánková ng Slovakia, na nagpatalsik kay Alycia Parks ng United States, 7-6(3), 6-3.
Sa kabilang semifinal, maghaharap sina Kamilla Rakhimova ng Uzbekistan at Leylah Fernandez ng Canada.
Umabante si Fernandez, na ang ina ay Pilipina, matapos hindi na makalaro ang injured na world No. 1 na si Elena Rybakina ng Kazakhstan.
“I feel this match deserved to be a final. It was an insane level of tennis from both of us. I didn’t believe I would be able to pull off that win because she played insane. I just kept reminding myself to fight for every point,” pahayag ni Shnaider, na kasalukuyang No. 13 sa world rankings.
Maaga rin nasibak si Eala sa Singapore Open, kung saan hanggang Round of 16 lamang siya umabot, bago niya nasungkit ang bronze medal sa singles event ng Nagoya Asian Games.
Pagkatapos nito, hindi na rin siya nakalampas sa unang dalawang laro sa Wuhan at Ningbo tournaments.
Sa Singapore Open, hindi inaasahan ang pagkatalo ng third-seeded na si Eala kay world No. 180 na si Tatiana Prozorova ng Russia sa first round, 4-6, 7-5, 3-6.
Bilang No. 13 seed sa WTA 1000 Wuhan Open, nabigo rin si Eala sa Chinese qualifier na si Shi Han, 6-4, 3-6, 3-6, sa first round pa lamang.
Susunod na lalaban si Eala sa Hong Kong Tennis Open simula Nobyembre 2.
(Toray PPO Tennis Facebook)


