Sinita ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Chinese Embassy sa Pilipinas dahil sa agresibo at hindi diplomatikong mga pahayag nito sa social media na umano’y nakasisira sa relasyon ng dalawang bansa.
Sa pahayag nitong Huwebes, October 22, binalaan ng DFA ang mga diplomat na maghinay-hinay at maging responsable sa kanilang mga pampublikong pahayag.
“The escalatory and undiplomatic tone and language used in the latest social media statements of the Chinese Embassy erode mutual trust and confidence, and severely undermines the efforts to stabilize and improve bilateral relations,” ayon sa DFA.
Kasabay nito, muling tiniyak ng ahensya na nananatiling sumusunod ang Pilipinas sa One China Policy sa ilalim ng 1975 Philippines-China Joint Communique.
Kinikilala ng Pilipinas ang People’s Republic of China bilang nag-iisang legal na pamahalaan ng China at iginagalang ang posisyon ng Beijing na bahagi ng teritoryo nito ang Taiwan.
Gayunman, iginiit ng DFA na hindi nakatutulong ang mga pahayag ng Chinese Embassy sa pagpapatatag ng relasyon ng dalawang bansa.
“The recent public statements of the Embassy do not reflect the longstanding spirit of constructive engagement between the two countries and the two foreign ministries,” ayon sa ahensya.
Muling pinaalalahanan ng DFA ang mga diplomat na kumilos at magsalita nang naaayon sa kanilang katungkulan, lalo na sa social media.
Nagbabala rin ito na maaari pang gumawa ng karagdagang diplomatic action ang Pilipinas kung kinakailangan.
“The DFA likewise reiterates that it reserves the right to take further diplomatic action as it deems necessary,” ayon sa DFA. /Bistado


