Babagsak ng hindi bababa sa isang milyong metriko tonelada ang produksyon ng palay sa Pilipinas ngayong 2026 dahil sa banta ng El Niño at pagtaas ng presyo ng abono at gasolina.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), ibinaba sa 19.7 milyong metriko tonelada ang inaasahang ani mula sa orihinal na target na 20.7 milyon.
Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na tumataas ang gastos sa makinarya at irigasyon dahil sa mahal na gasolina, habang napipilitang magtipid sa abono o ipagpaliban ang pagtatanim ang ilang magsasaka.
Posibleng magpataas sa presyo ng bigas ang mas mababang ani dahil sa paghigpit ng lokal na suplay.
Samantala, nagbabala ang PAGASA na maaaring tumagal hanggang unang kalahati ng 2027 ang malakas na El Niño, na may pinakamatinding tagtuyot mula November hanggang April.
Dahil dito, wala pang tiyak na pagtataya ang DA sa ani ng palay sa susunod na taon.
Naghanda naman ang ahensya ng P61.99 bilyong action plan laban sa epekto ng tagtuyot, ngunit P371 milyon sa mga panukalang hakbang, kabilang ang cloud seeding, ang wala pang pondo.
Kailangan anila ang agarang pagpopondo upang maprotektahan ang produksyon at kabuhayan ng mga magsasaka. /Bistado


