Magkasalungat ang pahayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Justice (DOJ) kung nakatakas na ng bansa ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang, na nahaharap sa kaso kaugnay ng pagkawala ng mga sabungero.
Iginiit ni DILG Secretary Jonvic Remulla na nakalabas na ng Pilipinas si Ang sa pamamagitan ng backdoor o hindi awtorisadong ruta.
Pero ayon kay Justice Secretary Fredderick Vida nitong Miyerkules, October 21, walang rekord ang Bureau of Immigration (BI) na umalis ng bansa ang negosyante.
“Per records of the department, he is still here,” sabi ni Vida.
“So, I cannot confirm that he is already out of the country because we will rely based on what we have on immigration records. Based on immigration records, wala kaming record that he left,” dagdag niya.
Gayunman, inamin ni Vida na posibleng nakalabas si Ang sa pamamagitan ng backdoor dahil sa malawak at mahirap bantayang hangganan ng Pilipinas.
Sa kabila nito, nanindigan si Remulla sa kanyang pahayag, na aniya’y nakabatay sa isang taong pagsusuri ng intelligence reports.
“The information has been under our analysis for 1 year. Validation takes a while. Upon taking all the intelligence reports, our theory is that he has left the country. Much of the information came from his former cohorts who have turned state witness,” paliwanag ni Remulla.
Nahaharap si Ang sa mga kasong may kaugnayan sa umano’y pagdukot sa hindi bababa sa 34 sabungero na pinaghinalaang nandaya sa mga sabungan.
Ayon sa whistleblower na si Julie Patidongan, nakatanggap umano siya ng utos mula sa grupong pinamumunuan ni Ang na dukutin ang mga sabungero, na ang mga bangkay ay itinapon umano sa Taal Lake sa Batangas.
Samantala, tiniyak ni Vida na magpapatuloy ang pag-usad ng kaso sa kabila ng mga ulat tungkol sa posibleng pagtakas ni Ang.
“We pursue our mandate. Our prosecutors pursue. We see this as challenges, but we do not see this as fatal to the case,” aniya.
Sa ngayon, wala pang opisyal na kumpirmasyon mula sa immigration records na nakalabas ng Pilipinas si Ang, habang naninindigan ang DILG sa intelligence assessment nitong nakatakas na siya. /Bistado


