Balak magtayo ng 40-megawatt (MW) power plant at underground telecommunications network sa New Clark City, Tarlac, upang makahikayat ng mas maraming mamumuhunan.
Nakipagkasundo ang Bases Conversion and Development Authority (BCDA) sa Blue Vista Berhad at Westfield Resources LLC para pag-aralan ang pagtatayo ng liquefied natural gas (LNG) power plant.
Sakop ng feasibility study ang koneksiyon sa power grid, suplay ng LNG, financing at regulatory requirements.
Sa hiwalay na kasunduan, katuwang naman ng BCDA ang ComClark sa panukalang shared underground information and communications technology (ICT) network para mapahusay ang internet connectivity ng mga negosyo.
Magbibigay ang BCDA ng planning information at access sa mga lugar na susuriin, habang ComClark ang magsasagawa ng technical assessments.
Target ng mga proyekto na suportahan ang advanced manufacturing, technology-driven industries at iba pang negosyong nangangailangan ng maaasahang kuryente at mabilis na internet.
Gayunman, nasa feasibility-study stage pa lamang ang dalawang proyekto. Wala pang pinal na halaga ng pamumuhunan o iskedyul ng konstruksiyon.
Layunin ng BCDA na palakasin ang New Clark City bilang investment hub na makalilikha ng trabaho at magpapasigla sa ekonomiya ng rehiyon. /Bistado


