Sa naging mainit na post ni Claudine Barretto laban sa kontrobersyal na TV-radio showbiz columnist-host na si Cristy Fermin, may sagot ang tinatawag na nay Cristy ng showbiz.
Ayon sa post ni Claudine, hinahamon niya ang beteranang showbiz host ng demanda dahil umano sa “fake” nitong pagbabalita hinggil sa kanyang naging sitwasyon sa isang ospital kamakailan.
Nag-viral pa ang post nitong, “Lawyers Up.”
Susog pa niyan ang pagpapalabas ng lawyer ni Claudine ng cease-and-desist letter bunsod pa ng diumano’y “untruthful, scandalous, and damaging” na sinabi ni Nay Cristy tungkol sa mental health ni Claudine nang isugod ito sa hospital recently.
At bilang tugon ay nagpahayag naman si nay Cristy sa panayam sa kanya ni Salve Asis ng Pilipino Star at tinuran nitong handa siya sa banta ng aktres.
Sey pa nito, “wow! Big words! Ipapakulong daw niya ako? Siguruhin niyang may merito ang kasong isasampa niya sa piskalya pa lang! Ano, mauuna pa akong makulong sa mga nangurakot ng male-maletang salapi sa gobyerno? Look who’s talking!.”
Sa nasabi pa ding panayam ay binanggit pa ni Nay Cristy na, “si Claudine Barretto mismo ang naglabas sa kanyang IG na nasa hospital siya… pero walang sinabi kung anong dahilan ng kanyang confinement. Bakit? Ano nanaman ito? Panibago ba ito para mapag-usapan lang?”
“Tapos after one day, lumabas ‘yung sa braso, so maraming nagsabi na nagpaliit lang, nagpa-lipo ng braso. Sabagay, aminado naman siya na bipolar siya… na anytime, meron ‘yung pagsumpong. Alam ko kasi ‘pag naoospital si Claudine, si Gretchen ang sumasagot, ” saad pa ng kolumnista-host.
Ang naging press release ng kampo ni Claudine ay ngayong Martes, Oct. 20 sasadyain ni Claudine ang NBI para sa kaukulang ‘cyber libel’ case na isasampa niya laban kay Fermin at kasamahan nito sa radio program sa TV5 na si Romel Chika, pero as we write this, wala pang linaw sa balita.


