Nanawagan si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ng mas matibay na pagkakaisa ng mga bansang ASEAN sa harap ng mga banta sa seguridad, sigalot sa South China Sea at lumalalang epekto ng mga kalamidad sa rehiyon.
Sa pagbubukas ng 20th ASEAN Defence Ministers’ Meeting (ADMM) sa Lapu-Lapu City, Cebu nitong Miyerkules, October 28, iginiit ni Teodoro na dapat igalang ng mga kasaping bansa ang soberanya at teritoryo ng isa’t isa at resolbahin ang mga hindi pagkakaunawaan sa mapayapa at legal na paraan.
“And where such differences exist, including in the South China Sea, we shall settle them through peaceful and legal means,” ani Teodoro.
Binigyang-diin niyang mahalaga ang ASEAN unity at centrality sa gitna ng lumalaking tensyon at pagkakahati-hati sa pandaigdigang seguridad.
Nanawagan din siya ng mas malawak na kooperasyon sa maritime security, proteksyon ng underwater infrastructure, at seguridad sa suplay ng pagkain at enerhiya.
Partikular niyang binanggit ang banta ng super El Niño na maaaring makaapekto sa pagkain, tubig, kuryente at komunikasyon sa Southeast Asia.
“This initiative gains in importance as Southeast Asia braces for a super El Niño, which will likewise affect food, water, electricity, and connectivity in our respective countries,” ani Teodoro.
Kasabay nito, nagpahayag siya ng pakikiramay sa mga bansang ASEAN na sinalanta ng mga kalamidad at nagpasalamat sa tulong na ibinigay ng mga ito sa Pilipinas.
“For our part, we remain deeply grateful and committed to preserving the solidarity which you have extended to the Republic of the Philippines and for the assistance offered sometimes even before we could ask,” aniya.
Ayon sa kalihim, mahalagang palakasin ang humanitarian assistance at disaster response dahil mas madalas, malala at mahirap nang hulaan ang mga kalamidad.
Hinimok din niya ang mga defense minister na maging bukas at tapat sa kanilang mga pag-uusap upang mapanatili ang tiwala at makahanap ng magkakatugmang solusyon sa mga problema ng rehiyon.
“However, we hope we can speak amongst us in an atmosphere of trust, confidence, and candor, especially in our bilateral meetings and other engagements on the sideline,” ani Teodoro.
Kasabay ng pagpupulong ang ika-50 anibersaryo ng Treaty of Amity and Cooperation in Southeast Asia at ika-20 anibersaryo ng ADMM.
Host ang Pilipinas sa 20th ADMM at 13th ADMM-Plus na ginaganap sa Cebu mula October 28 hanggang 29 bilang bahagi ng ASEAN Chairship nito ngayong 2026. /Bistado


