Nakipagtulungan ang Department of Agriculture (DA) sa mga civil society watchdog para bantayan ang mga farm-to-market road (FMR) projects matapos kuwestiyunin ang mga maling lokasyon at bilyun-bilyong pisong proyekto na kulang sa dokumentasyon.
Kabilang sa mga katuwang ng DA ang People’s Budget Coalition (PBC), Bisto Proyekto at iba pang grupo na susuri sa mga proyekto mula pagpaplano, paglalaan ng pondo at konstruksyon hanggang sa pagkumpleto.
“We welcome the extra hands and eyes offered by these civil society groups to audit these projects and ensure they are executed properly,” ani DA Undersecretary Arrey Perez.
Nauna nang kinuwestiyon ng PBC ang mga maling coordinates ng ilang FMR projects na lumilitaw na nasa karagatan malapit sa ibang bansa.
Binantayan din ng grupo ang 355 House-inserted FMR project records na nagkakahalaga ng halos P6 bilyon at 222 irrigation project records na umaabot sa P7 bilyon.
Ayon kay PBC Co-Convenor Kenneth Abante, walang publicly available documents ang ilang idinagdag na FMR projects para maberipika ang mga ito.
Hiniling ng grupo na bawat FMR proposal sa 2027 budget ay may field verification report, necessity study at feasibility study.
Nangako naman ang DA na magbabahagi ng project documents at pag-aaralan ang joint monitoring kasama ang mga watchdog.
May FMR Watch Portal din ang DA kung saan makikita ang engineering designs, work programs at validation reports ng mga proyekto.
Maaari ring magsumite ng reklamo, larawan at video ang publiko sa portal para ireport ang mga posibleng iregularidad sa aktuwal na konstruksyon.
Inaasahang magpapatuloy ang pagtutulungan ng DA at mga watchdog kahit matapos ang deliberasyon sa 2027 budget. /Bistado


