Bahagyang humina ang Bagyong Rosal habang nasa karagatan sa silangan ng Taiwan, ngunit nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa Batanes, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) nitong Sabado, October 24.
Sa 5 a.m. weather bulletin, namataan ang sentro ng Rosal sa layong 415 kilometro hilaga ng Itbayat, Batanes, taglay ang lakas ng hanging 150 kilometers per hour (kph) at pagbugsong umaabot sa 185 kph.
Kumikilos ang bagyo pa-timog-kanluran sa bilis na 10 kph at inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong Sabado ng umaga bago tumungo sa East China Sea.
Gayunman, magdadala pa rin ng malakas hanggang gale-force winds ang panlabas na bahagi ng Rosal sa Babuyan Islands, Ilocos Norte, Aurora, northern Quezon, Polillo Islands, Bicol Region, Romblon, Capiz, Iloilo at Negros Occidental.
May gale warning din sa mga baybayin ng Northern Luzon, habang inaasahan ang napakaalon na karagatan sa Batanes at Babuyan Islands.
Magdadala naman ng kalat-kalat na pag-ulan ang trough ng Rosal sa Ilocos Region, Babuyan Islands, Apayao, Abra at Benguet.
Samantala, makararanas ng kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Agusan del Norte, Surigao del Norte, Dinagat Islands, Basilan, Tawi-Tawi, Palawan, Masbate at Sorsogon dahil sa Intertropical Convergence Zone (ITCZ).
Sa natitirang bahagi ng bansa, inaasahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may panaka-nakang pag-ulan o thunderstorms.
Katamtaman hanggang malakas na hangin at katamtaman hanggang maalon na karagatan ang mararanasan sa natitirang bahagi ng Luzon, habang mahina hanggang katamtamang hangin at bahagya hanggang katamtamang alon naman sa Visayas at Mindanao. /Bistado


