Habang tumatagal ang impeachment trial, lalong bumibigat ang rekord laban kay Vice President Sara Duterte.
Noong una, video lang ang sentro ng usapan. Viral. Maingay. Madaling sabihing pinutol, binago, o inilabas sa maling konteksto.
Pero hindi na roon natapos.
Pinatunayan ng unang National Bureau of Investigation (NBI) witness na authentic ang recording. Sumunod si Atty. Jeremy Lotoc, dating hepe ng NBI Cybercrime Division, at ipinaliwanag kung bakit itinuring ng ahensya na seryoso, tunay, at nakaaalarma ang mga banta.
Hindi na ito simpleng clip sa social media.
Nasa impeachment record na ang video. Nasa record ang imbestigasyon. Nasa record ang testimonya. Nasa record ang rekomendasyon ng NBI na magsampa ng tatlong bilang ng grave threats at isang bilang ng inciting to sedition.
Hindi pa iyan hatol. Pero hindi na rin puwedeng tawaging gawa-gawang kaso.
Oo, may mga red flag ang presentasyon ng prosecution. May mga petsang hindi nagtutugma. May typographical errors na hindi dapat lumulusot sa dokumento ng isang pangunahing law-enforcement agency. May mga bahagi ng timeline na kailangang linawin. Hindi rin natukoy ang sinasabing assassin, at kinuwestiyon kung sapat bang inimbestigahan ng NBI ang umano’y banta laban mismo sa Bise Presidente.
Dapat sagutin ang mga iyan.
Hindi puwedeng puchu-puchu ang dokumentasyon kapag impeachment ng pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa ang pinag-uusapan. Maliit na error, kapag naipon, maaaring maging malaking butas.
Pero hindi rin nabura ng mga typo ang video. Hindi nabura ng maling petsa ang mismong mga salitang binitiwan. Hindi nabura ng magulong affidavit ang official findings ng NBI.
Dito sana didiin ang depensa. Masinop si Atty. Mark Vinluan. Matiyaga. Methodical. Nakakita siya ng mga bitak na dapat ayusin ng prosecution. Pero sa sobrang pag-ikot sa parehong dokumento, nawala ang talim. Paulit-ulit. Pabalik-balik. Hanggang mismong mga senator-judge ay nainip.
Pero halata pa rin ang slant at bias. Sayang.
May pagkakataon sana ang depensa na ipakitang sablay ang proseso. Pero iba ang sablay na proseso sa walang nangyaring pagbabanta. Iba ang pagkakamali sa petsa sa pagtangging sinabi ang mga salita.
Hanggang ngayon, walang malinaw at tahasang pagtanggi na binigkas ni Duterte ang mga pahayag sa video. Wala ring malinaw na public walkback. Walang simpleng, “Hindi ko iyon ibig sabihin.” Walang, “Mali ang nasabi ko.” Walang, “Hindi dapat nangyari iyon.”
Ang depensa ay nagsasabing maglalatag sila ng ebidensya sa tamang panahon.
Sige. Ilatag.
Karapatan nilang ipakita ang buong konteksto. Karapatan nilang durugin ang NBI findings kung mahina ang pundasyon. Karapatan nilang ipakitang hindi sapat ang ebidensya para sa culpable violation of the Constitution o betrayal of public trust.
Pero hindi sapat na sabihin na ang NBI finding ay hindi binding sa ordinaryong hukuman.
Hindi ordinaryong criminal court ang impeachment court. Hindi criminal conviction ang agarang tanong. Ang sinusukat dito ay kung ang asal ng isang mataas na opisyal ay katanggap-tanggap sa ilalim ng Konstitusyon at ng tiwalang ibinigay ng taumbayan.
Alam iyan ng mga senator-judge.
Sa puntong ito, magkakabit na ang inilatag ng prosecution: tunay na video, sworn testimony, fact-finding investigation, at official recommendation. Kapag bawat testigo ay may malinaw na papel at bawat ebidensya ay sumasalo sa nauna, lumalakas ang kaso.
Hindi pa tapos ang laban. Hindi pa napapatunayan ang guilt.
Pero umiinit na ang upuan ng depensa.
Dahil habang abala sila sa typo, nananatili sa rekord ang banta. At ang tanong na dapat sagutin ay hindi lang kung tama ang petsa sa affidavit.
Ang mas malaking tanong: nararapat bang manatili sa puwesto ang isang Bise Presidente na nagsalita nang ganoon—at hanggang ngayon ay hindi malinaw na binabawi ang sinabi?
Hindi na ito viral clip lang.
Ebidensya na ito. At ang bigat nito, araw-araw nang mas mahirap takasan. /Bistado


