Pinasisilip sa Senado ang pagtaas ng singil sa kuryente kasunod ng mga reklamo sa “bill shock,” kuwestiyunableng meter readings at system losses na ipinapasa sa consumers.
Inihain ni Senador Panfilo Lacson nitong Martes ang Senate Resolution No. 511 para siyasatin kung sapat ang umiiral na regulations laban sa sobra, hindi makatwiran o maiiwasang singil sa kuryente.
“While fluctuations in electricity prices may be attributed to supply constraints due to geopolitical tensions, higher generation costs, foreign exchange rates, mandatory charges and other market factors, it is incumbent upon the legislature to exercise its oversight function,” ani Lacson.
Umakyat sa P14.8261 kada kilowatt-hour (kWh) ang residential electricity rate ng Manila Electric Company (Meralco) nitong July 2026.
Inungkat din ni Lacson ang mga reklamo sa umano’y iregularidad sa meter readings at system loss charges. Kabilang dito ang pagkalugi mula sa meter tampering, ilegal na koneksiyon at paggamit ng jumpers.
Ayon sa senador, mga lehitimong consumer ang sumasalo sa halaga ng nawawalang kuryente. Nais niyang matukoy kung sapat ang insentibo sa mga power distributor para pigilan ang pagnanakaw ng kuryente at pagbutihin ang kanilang operasyon.
Layunin ng resolusyon na palakasin ang transparency, accountability, at consumer protection sa power sector.
Nauna nang naghain si Senadora Risa Hontiveros ng hiwalay na resolusyon para imbestigahan ang umano’y maling meter readings at hindi pangkaraniwang pagtaas ng electricity bills.
Samantala, hinimok ni Senate President Sherwin Gatchalian ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na bilisan ang grid modernization habang naghahanda ang bansa para sa mas malawak na paggamit ng renewable energy at electric vehicles.
“A more efficient and flexible power system is key to ensuring stable and affordable electricity,” ani Gatchalian.
Sinabi niyang makatutulong ang modernong grid sa integration ng residential solar systems, electric vehicle charging stations at iba pang decentralized energy resources. Magbibigay din ito ng kakayahang mag-imbak ng sobrang renewable power sa malalaking battery systems.
“Ngayon at nag-anunsiyo na naman ang Meralco ng dagdag singil sa electricity bill kasunod ng pagtaas ng generation cost dahil sa mahal na krudo at buwis, mas lalong mahalaga ang modernisasyon ng grid upang mabawasan ang hindi episyenteng pamamalakad at mapababa ang gastos sa kuryente sa pangmatagalan,” ani Gatchalian. /Bistado


