Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

NAIA: Mahal na, nakatali pa

Simula April 1, magpapatupad ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ng bawas-bayarin sa 44 na paliparan para maibsan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis. Pero may isang airport na tila hindi pwedeng galawin: ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Dito pa lang, malinaw na ang problema.

Ang NAIA ay kasalukuyang pinapatakbo ng New NAIA Infra Corp. (NNIC), isang pribadong consortium sa ilalim ng long-term concession agreement na pinirmahan noong March 2024. Sa setup na ito, ang pricing at mga bayarin ay naka-embed sa kontrata at ipinatutupad sa pamamagitan ng Manila International Airport Authority Revised Administrative Order No. 1, Series of 2024 (AO 1), na naglilimita sa kakayahan ng gobyerno na agad baguhin ang singil kahit may krisis.

Hindi lang ito usapan sa kalsada o social media. May mga grupo na rin na dumulog sa Korte Suprema para humiling ng temporary restraining order (TRO) para ihinto ang pagpapatupad ng NAIA concession deal at ang dagdag-singil sa ilalim ng AO 1.

Opinyon ko lang naman, kung umaabot na sa Korte Suprema ang usapin, ibig sabihin hindi na ito simpleng reklamo — may malalim na problema sa sistema.

Sa sariling pahayag ng New NAIA Infra Corp. (NNIC), inamin nitong hindi sakop ng CAAP-mandated fee reductions ang NAIA dahil sa Public-Private Partnership setup. Ibig sabihin, kahit gusto ng gobyerno na magbigay ng agarang ginhawa, may hangganan ang kaya nitong gawin.

Sa madaling salita: nakatali ang kamay ng gobyerno sa sarili nitong pangunahing airport. At kung ang mismong sistema ang pumipigil sa gobyerno na tumulong agad, malinaw na may mali sa disenyo.

Habang ang ibang airport kayang bawasan ang singil, ang NAIA — na dinadaanan ng pinakamaraming air passengers sa bansa — nananatiling mahal. Kung saan pinakamaraming Pilipino, doon pa hindi abot ang relief.

Hindi ito simpleng policy gap. Disenyo ito. Kung may krisis na, dapat natural na susunod ang pagluwag ng singil. Pero hindi iyon ang nangyayari.

Sinasabi rin ng NNIC na may 65 percent discount daw sa mga binabayad ng airlines sa operasyon, pero mismong mga airline na ang nagpasubali nito.

Noong March 13, sumulat sa Department of Transportation ang Board of Airline Representatives (BAR), Airline Operators Council (AOC), at Air Carriers Association of the Philippines (ACAP). Direkta nilang sinabi: “jet fuel prices have surged significantly” at ang kombinasyon ng fuel cost at airport charges ay “no longer sustainable.”

Mas malinaw pa nilang sinaad: “immediate relief measures are necessary” dahil ang dagdag gastos, diretso sa pasahero bumabagsak. Kung mismong airlines na ang umaaray, ibig sabihin may mali na sa kabuuang setup.

At kapag pinagsama mo ang mahal na ticket dahil sa fuel surcharge at mataas na airport fees, iisa ang resulta: mas mahal na biyahe.

Hindi hiwalay ang mga ito. Nagpapatong-patong ang gastos. Hindi na ito simpleng mahal —parang doble-doble na ang patong.

Kahit pa pansamantalang bawasan ang singil, hindi doon nagtatapos ang usapan. Ang ugat ng problema ay ang mismong NAIA concession deal, isang setup na nakatuon mukhang ang primary objective ay magkamal ng kita, hindi sa kakayahang umangkop sa krisis.

Kaya kapag may emergency, hindi makakilos ang gobyerno nang mabilis.

Ang tanong ngayon hindi na kung may problema. Ang tanong: hanggang kailan papayagan na ang pangunahing airport ng bansa ang siyang pinakahuli sa pagbibigay ginhawa? /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles