Sinabihan ng House prosecution ang kampo ni Vice President Sara Duterte na huwag maging balat-sibuyas sa pagtatanong sa mga testigo sa impeachment trial, dahil tungkulin umano nitong siyasatin ang mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman.
“So huwag ho tayong maging onion-skinned dito. Dahil ang tunay na agrabyado dito sa trial na ito ay ang taong-bayan. So we should not leave any stone unturned,” ani prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong.
Sa Saturday News Forum sa Quezon City noong Sabado, November 21, sinagot ni Adiong ang reklamo ng Office of the Vice President (OVP) sa pagtatanong tungkol sa mga larawan ni Duterte na nagtatanim ng puno.
Inaalam ng prosekusyon kung konektado ang aktibidad sa mga rekisito ng Board of Investments para sa Cale88 Foods Corp., kung saan dating may 47.5% bahagi ang asawa ni Duterte na si Atty. Manases “Mans” Carpio.
Itinanggi ng OVP na may kaugnayan sa Cale88 ang “Pagbabago: A Million Trees Campaign” nito na inilunsad noong March 2023. Tinawag nitong malisyoso at mapanlinlang ang mungkahi.
Iginiit ni Adiong na bahagi ng cross-examination ang pagkumpirma ng impormasyon. Aniya, nagtanong din ang depensa tungkol sa mga sensitibong usapin sa mga testigo ng prosekusyon, kabilang si dating Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang.
“Pagpalagay po natin part iyon sa compliance. ’Yun ang punto namin. Ano naman masama doon? Ang masama is ’yung unexplained na asset,” ani Adiong.
Nilinaw niyang nakatuon ang prosekusyon sa umano’y pagkakaiba ng idineklarang benta ng Cale88 at perang pumasok sa mga bank account nito, pati sa pagdedeklara ng kita sa Bureau of Internal Revenue.
Kabilang sa kinuwestiyon ang hindi bababa sa P319 milyong inward remittances mula China at Hong Kong, batay sa financial records na iniharap ng Anti-Money Laundering Council.
Nauna nang nagharap ang prosekusyon ng ebidensiya kaugnay ng umano’y P817.87 milyong hindi maipaliwanag na yaman at hindi idineklarang mga ari-arian nina Duterte at Carpio mula 2022 hanggang 2025. /Bistado


