Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

ANONG NAPALA SA ASEAN? DFA nagreport back

Nilagdaan ng ASEAN ang kasunduan sa digital trade at isinulong ang pagkakaugnay ng mga sistema ng kuryente at pagtatayo ng maritime center sa Pilipinas, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Iniulat ni DFA Assistant Secretary at ASEAN 2026 spokesperson Dax Imperial na mahigit 100 dokumento ang inaksyunan ng mga lider sa November 15–17 summit at kaugnay na pagpupulong.

Kabilang dito ang ASEAN Digital Economy Framework Agreement (DEFA), na magpapadali sa online na kalakalan, digital payments at pagbebenta ng maliliit na negosyo sa ibang bansa kapag naipatupad na.

Iniulat din ni Imperial sa Saturday News Forum sa Quezon City ang pagtatapos ng malaking bahagi ng negosasyon para sa ASEAN-Canada Free Trade Agreement upang mapalawak ang merkado ng mga negosyo.

Sa enerhiya, isinulong ang pagpapatupad ng pinalawak na kasunduan sa ASEAN Power Grid para sa koneksiyon ng mga sistema ng kuryente sa rehiyon.

Ang planong ASEAN Maritime Center sa Pilipinas naman ay magsasagawa ng pananaliksik, pagsasanay at pagbibigay ng payo sa polisiya. Tutulong din ito sa pagtugon sa ilegal, hindi naiuulat at hindi reguladong pangingisda.

Pinagtibay rin ang deklarasyon laban sa online sexual exploitation at pang-aabuso sa mga bata, kabilang ang child sexual abuse materials sa digital environment na naaapektuhan ng AI.

Nagpatibay din ang mga lider ng deklarasyon sa social protection at tinanggap ang balangkas para sa mas maayos na koordinasyon sa pagtugon sa sakuna.

Sa Myanmar, napagkasunduan ang unti-unting pagpapanumbalik ng representasyon nito sa ASEAN batay sa progreso sa pagtugon sa krisis, kasabay ng pagsusulong ng dayalogo, humanitarian assistance at pagtigil ng labanan.

Wala namang tiyak na petsa ng pagkumpleto sa South China Sea Code of Conduct, o mga tuntunin sa pagkilos ng mga partido sa karagatan.

“Sa ngayon po mahirap ding masabi yung time frame,” ani Imperial.

Kailangan pa ang pagkakasundo ng mga nakikipagnegosasyon. Muling pinagtibay ng ASEAN at China ang pangakong bumuo ng kasunduang naaayon sa international law, kabilang ang United Nations Convention on the Law of the Sea.

Ipagpapatuloy ng Singapore, na tumanggap ng susunod na ASEAN chairship, ang pagsusulong ng negosasyon.

Itinampok din ang pagsasama ng Timor-Leste sa bagong ASEAN emblem na may 11 tangkay ng palay. Sumali naman ang Cyprus, Slovak Republic at Slovenia sa Treaty of Amity and Cooperation, kaya umabot sa 65 ang mga kalahok sa tratado. Hiwalay ito sa pagiging miyembro ng ASEAN. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles