Champion sa table tennis team event sa ikapitong sunod na season ang University of Santo Tomas matapos walisin ang University of the Philippines, 3-0, sa UAAP Season 89.
Siniguro nina team captain Abraham Antivo IV at Gerald Aguilar amg korona nang pabagsakin sina Mark Manuel Aguilar at Benzido Florida, 11-3, 11-3, 11-8.
Sa unang singles, dinomina ni Eljey Tormis si Jad Sandoval, 11-4, 11-4, 11-3. Sinundan ito ni Jebb Datahan na nanalo 11-7, 11-7, 11-1 kontra kay Stephen Llemit.
Sa semifinals, tinalo ng UST ang De La Salle University. Wagi si Tormis kontra kay Reyan Reg, 6-11, 11-6, 11-8, 11-9, at si Datahan laban kay Red Torres, 11-4, 14-12, 8-11, 11-6.
Sa semifinals ng men’s doubles event ng individual category, pasok ang UST sa semifinals matapos talunin nina Antivo at Ruiz Marcelino sina Leiandro Fresco at Sharif Abirin ng Adamson University, 11-3, 11-6, 8-11, 11-9.
Makakaharap nila sa susunod na round sina Torres at Joseph Noriega Jr. ng De La Salle, na nagwagi laban kina Florida at Earl Tolentino ng University of the Philippines, 11-6, 14-12, 11-5.
“Siyempre malaking tulong ‘yung experience dati, pero mas iba po ‘yung bond namin ngayon kasi mas naging close pa kasi sa isa’t-isa. Mas lalong naging dikit pa kam. Halos araw-araw magkasama sabay kumain, sabay mag-training,” pahayag ng 21-anyos na si Antivo matapos ang laban.
“Mas iba lang yung gameplay namin ngayon knowing na from experiences nadagdagan pa siya ng mas matibay na bond (Our gameplay is different now, as our experiences have further strengthened the bond between us),” dagdag ng Season 88 Most Valuable Player.
Umarangkada rin sa semifinals sina Joshua Manlapaz at Dirk Atilano ng UST matapos talunin sina Christian Golez at Justine Rama ng Far Eastern University, 12-9, 11-9, 11-8.
Makakaharap nila sina Zherdel Fresco at Carlos Docto ng Ateneo, na nanaig kina Julian Del Rosario at Ralph Digamon ng FEU, 11-7, 5-11, 12-10, 11-4.
Samantala, nagtala ang FEU ng magkakaibang panalo kontra UP upang makapasok sa Final Four ng women’s doubles.
Dinomina nina Christine Golez at Shairah Gabisay sina Maan Gumobao at Khorquina Lozada, 11-8, 11-8, 11-9, habang nakalusot naman sina Cats Sarmiento at Krisha Reyes kina Bethel Sadora at Faye Obaña, 7-11, 11-3, 13-11, 11-4.
Nagwagi rin ang tambalan nina Kaye Denise Encarnacion at Trexiemay Alarcon ng UST laban kina Andrea Deondo at Jelaine Monteclaro ng Ateneo, 11-5, 11-5, 11-6.
Samantala, pinaghirapan nina Anna Sophia Fabregar at Aubrey Solis ng Ateneo ang kanilang panalo kontra kina Janna Paculba at Kaye Alliah Encarnacion ng UST, 5-11, 11-7, 14-12, 11-6, upang makumpleto ang listahan ng mga semifinalist.
Gaganapin ang semifinals sa Linggo simula alas-8 ng umaga, habang nakatakda naman sa hapon ang mga finals, sa Gameville Central sa Mandaluyong City.


