Inutusan ni Justice Secretary Fredderick Vida ang mga awtoridad na ipatupad ang warrant ng International Criminal Court (ICC) laban kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa. Legal aniya ang P50 milyong pabuyang inanunsyo ni Interior Secretary Jonvic Remulla noong October 23 para sa impormasyong hahantong sa pagdakip sa senador.
“Rewards of this nature fall under confidential intelligence activities aimed at gathering actionable information,” ani Vida.
Ayon kay Vida, inaasahan ng ehekutibo na mananatili si Dela Rosa sa proteksiyon ng Senado habang hinihiling niya sa Korte Suprema na pansamantalang pigilan ang pag-aresto sa kanya. Umalis ang senador sa Senado at patuloy siyang tinutugis.
Inilabas ng ICC ang warrant noong November 6, 2025 at isinapubliko ito noong May 11, 2026. Ayon sa korte, may batayang maniwalang may pananagutan ang dating hepe ng Philippine National Police (PNP) sa pagpatay sa hindi bababa sa 32 katao sa kampanya kontra droga mula July 2016 hanggang April 2018. Itinanggi ni Dela Rosa ang pagkakasangkot sa ilegal na pagpatay at kinuwestiyon ang hurisdiksiyon ng ICC.
Ayon kay Vida, tiniyak ni Davao del Sur Vice Gov. Marc Cagas na hindi kakanlungin ng lalawigan ang senador. Itinanggi rin ng Moro National Liberation Front (MNLF) na itinatago nito si Dela Rosa. /Bistado


