Nakuha ng Nxled ang unang pwesto sa semifinals habang nakaligtas ang Choco Mucho sa limang-set na bakbakan matapos manaig sa kani-kanilang sister teams sa Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab Series sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City nitong Huwebes.
Pinataob ng Chameleons ang Akari Chargers, 27-25, 25-22, 26-24, upang palawigin sa anim na sunod na laro ang kanilang winning streak at opisyal na makuha ang unang puwesto sa Final Four.
Anim pang koponan ang maglalaban para sa natitirang tatlong puwesto sa semifinals.
Sa main game, pinangunahan nina Jewel Encarnacion at Eya Laure ang Flying Titans sa 23-25, 25-13, 25-23, 22-25, 15-13 panalo kontra Creamline Cool Smashers.
Nanganganib ang Chameleons na matalo sa opening set matapos mahuli sa 21-24, ngunit napigilan nila ang dalawang pagtatangka ng Akari na makabawi upang makumpleto ang sweep.
Gayunman, may kapalit na pisikal na pinsala ang panalo matapos makaranas ng injury scare ang Nxled at Akari sa third set.
Nasaktan ni Jonah Escamillan ang kanyang kaliwang tuhod habang sumusubok umatake sa kalagitnaan ng set, habang tumama naman ang likod ng ulo ni Ivy Lacsina sa isang LED board habang hinahabol ang malakas na dig ni Shiela Pineda sa mga huling bahagi ng set.
Sandaling nagbigay ng pangamba ang dalawang insidente sa isang gabing hindi malilimutan para sa Chameleons.
Nangyari ang injury ni Escamillan habang nahuhuli ang Nxled, 14-16, ngunit agad na bumangon ang Chameleons at nagkaisa para sa kanilang teammate, na nagresulta sa 6-2 run upang maagaw ang 20-18 kalamangan.
Gayunman, hindi nagpadaig ang Akari. Desperado itong makakuha ng panalo upang mapalakas ang tsansa sa semifinals kaya gumanti ang Chargers sa pamamagitan ng magkakasunod na atake at ihanda ang isang kapana-panabik na pagtatapos.
Paulit-ulit na umasa ang setter na si Mars Alba kay Fifi Sharma para sa mga quick attack, kung saan nakapagtala ang kanilang kombinasyon ng tatlong puntos, kabilang ang isa na nagbigay sa Akari ng 23-22 kalamangan.
Ngunit gumawa si Gel Cayuna ng mahalagang block laban kay Eli Soyud, habang nakakuha naman si Pineda ng hindi inaasahang puntos mula sa isang dig na lumampas sa net, dahilan upang mapilitang habulin ito ni Lacsina.
Muling nagtulungan sina Alba at Sharma sa isang quick play upang maisalba ang match point, ngunit gumanti si Cayuna sa pamamagitan ng 1-2 play para sa 25-24 kalamangan ng Nxled.
Matapos makaligtas sa ilan pang tensyonadong palitan ng bola, inihanda ni Cayuna ang finishing blow para kay EJ Cariño. Tumama ang malakas na atake nito sa mga braso ni Faith Nisperos bago lumabas ng court upang selyuhan ang panalo sa loob ng isang oras at 39 minuto.
“We just stuck it out together. Akari is a very hard team for us to play. They’re very good in defense and blocking and a very scrappy team, so we communicated early and just had to stay resilient and very patient as the game went on,” pahayag ni Brooke Van Sickle, na muling nanguna sa opensa ng Nxled matapos magtala ng 10 puntos at tanghaling Best Player of the Game.
Susunod na makakaharap ng Chameleons ang Cool Smashers sa PhilSports Arena sa Pasig City sa Martes, kung saan target nilang makuha ang isa sa dalawang twice-to-beat advantage.
Ikalawang panalo lamang ito ng Choco Mucho sa 21 beses nilang paghaharap ng Creamline, dahilan upang umangat ang kanilang kartada sa 4-3 at mapunta sa solong ikaapat na puwesto.
Nalasap naman ng 11-time league champion na Creamline ang ikalawang sunod na pagkatalo matapos itong yumukod sa PLDT sa apat na sets noong Nobyembre 5. Bumaba ang kanilang kartada sa 4-2.
Ilang manlalaro ng Titans ang nagkaroon ng kani-kanilang mahahalagang sandali sa kapana-panabik na laban na tumagal ng dalawang oras at 19 minuto, ngunit walang higit na nagningning kaysa kay Encarnacion, na gumawa ng 10 puntos, limang excellent digs at siyam na receptions.
“Itong panalong ito, ipinakita lang namin na kaya namin talunin sila. Teamwork lang talaga ang pinagana namin. ‘Pag may isang down sa amin ay sasaluhin namin, iaangat namin,” ani Encarnacion.
Pinangunahan ni Sisi Rosales ang Choco Mucho sa 20 puntos, nagdagdag si Caitlin Viray ng 11, habang tig-walong puntos sina Laure at Jen Villegas.
Nanaig ang Choco Mucho sa Creamline sa attacks department, 66-63.


