Hindi matiyak ng testigo ng kampo ni Vice President Sara Duterte kung ang lupang nakapangalan sa mister nitong si Atty. Manases Carpio sa Samal ay siya ring nakasaad sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Sa cross-examination nitong Martes, November 10, inusisa ni private prosecutor Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr. si Samal City Assessor Engr. John Kenneth Enumerables tungkol sa lupang sakop ng Transfer Certificate of Title (TCT) No. 142-2019013134.
“But you’re not claiming that the same property indicated in that TCT is the very same property contained in that SALN, correct?” tanong ni Tolosa.
“I’m not certain, sir,” sagot ni Enumerables.
Naunang itinugma ng testigo ang lupa sa SALN batay sa parehong assessed value na P346,960 at fair market value na P4,956,600.
Gayunman, nakasaad sa 2025 SALN na nabili ang lupa noong 2013 sa halagang P4,041,000, samantalang P3,453,849 ang selling price sa deed of sale na may petsang March 15, 2018.
Magkaiba rin ang lokasyong nakasaad sa mga dokumento. San Isidro sa deed at tax mapping, ngunit Matanos sa titulo at SALN.
Ipinaliwanag ni Presiding Officer Sen. Francis Escudero na hindi makatiyak ang testigo dahil walang title number sa SALN.
Nang tanungin ni Senator-Judge Joel Villanueva kung may patunay ng pagbili noong 2013, sinabi ni Enumerables na kailangan pa niyang suriin ang kanilang records.
Gayunman, kalaunan ay sumagot siya ng “Yes, Your Honor” nang tanungin kung iisang lupa ang tinutukoy sa tax declaration at SALN batay sa kanyang karanasan at opisyal na records.
Ipinaliwanag din niyang posibleng kasama sa acquisition cost ang mga buwis at gastos sa paglilipat ng ari-arian.
Hindi naman kumbinsido si Tolosa sa paliwanag ng testigo.
“These are different properties, Your Honor,” giit niya. /Bistado


