Binira ni House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua ang unang testigo ng kampo ni Vice President Sara Duterte matapos umano itong magbigay ng magkakasalungat na sagot tungkol sa isang ari-ariang idineklara sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng Bise Presidente.
Sa press conference nitong Lunes, November 9, kinuwestiyon ni Chua ang kredibilidad ni Davao City Assessor Engr. Jaime Adalin matapos ang cross-examination sa Senate impeachment trial.
“Kaya nga na sinabi ko kanina, ang unang testigo ng defense nuknukan ng sinungaling,” banat ni Chua.
Naunang iginiit ni Adalin na ang loteng may titulo sa Davao City ay siya ring ari-ariang nakalista sa SALN ni Duterte, batay sa lokasyon nito sa barangay at magkatugmang assessed at fair market values.
Gayunman, kinuwestiyon ng prosekusyon kung sapat ang mga detalyeng ito para matiyak na iisang ari-arian ang tinutukoy.
“So doon lang eh. Makikita mo na yung testigo nila. Gusto pang magpalusot,” ani Chua.
Kabilang sa mga pinagkumparang dokumento ang P6-milyong selling price sa electronic Certificate Authorizing Registration at P10-milyong acquisition cost sa 2024 SALN ni Duterte.
Napansin din ng prosekusyon ang pagkakaiba ng paglalarawan sa ari-arian bilang lot with improvement at residential lot.
Ayon naman kay House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, hindi nagtutugma ang mga sagot ng testigo.
“Their witness is inconsistent,” ani Adiong.
Kinuwestiyon din niya ang pag-aalinlangan ni Adalin nang ipakita ang mga larawang ayon sa prosekusyon ay nagpapakita ng isang restaurant sa naturang lugar.
“Maniniwala ba kayo sa pinakita na klarong-klarong restaurant ‘yan, may pangalan pa, sasabihin niya hindi siya sigurado anong klaseng assessor ’yan?” banat ni Adiong.
Sa pagdinig, ipinaliwanag ni Adalin na hindi niya matiyak kung ang mga larawang mula sa street view ay nagpapakita ng mismong ari-arian. Sinabi rin niyang nakabatay sa aktuwal na gamit at inspeksyon ang pag-uuri ng mga ari-arian.
Nag-alok din siyang magsumite ng mas kumpletong listahan ng mga ari-arian matapos kuwestiyunin kung natatangi ang magkatugmang valuation figures na ginamit niya.
Para kay Chua, sa halip na patibayin ang depensa sa natitirang Article II o unexplained wealth charge, lalo lamang nitong inilantad ang mga kahinaan sa kanilang paliwanag.
“So, yung pinresenta po kanina ng depensa na witness ay lumalabas na weakness,” ani Chua. /Bistado


