Bumagsak ng 18 porsiyento sa P17.5 bilyon ang net income ng Ayala Land Inc. (ALI) sa unang siyam na buwan ng 2026, mula P21.4 bilyon noong nakaraang taon, dahil sa paghina ng residential property business.
Sa ulat sa Philippine Stock Exchange, bumaba sa P57.6 bilyon ang revenues mula sa property development, kumpara sa P75.9 bilyon noong 2025.
Gayunman, lumago ng 8 porsiyento sa P37.8 bilyon ang kita mula sa leasing at hospitality, habang bumaba sa P6 bilyon mula P7.21 bilyon ang net income sa ikatlong quarter.
Mas malaki na rin ang kontribusyon ng leasing sa EBITDA ng kumpanya, na umabot sa 55 porsiyento kumpara sa 45 porsiyento ng property development.
Ayon kay ALI President at CEO Anna Ma. Margarita Dy, nakatulong ang pagsasaayos ng mga mall at hotel para mapalakas ang negosyo.
“Reinvention is working,” ani Dy.
Tumaas ng 13 porsiyento ang revenue per square meter sa apat na inayos na flagship malls at 19 porsiyento ang room rates sa mga ni-renovate na hotel.
Nakapirma rin ang ALI ng mga kontrata para sa 23,000 square meters na office spaces at target magbukas ng 200,000 square meters na retail space bago matapos ang taon.
Samantala, umabot sa P53 bilyon ang capital expenditures hanggang September, mas mababa ng 19 porsiyento kumpara noong 2025. /Bistado


