Hinamon ng Malacañang si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na arestuhin si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa kahit dati itong PNP chief at may malapit na ugnayan sa ilang opisyal ng pulisya.
“May valid warrant of arrest. Hindi puwede na kayo ang magdesisyon kung huhulihin ninyo o hindi ninyo huhulihin si Senator Bato dela Rosa hindi dahil siya ay dati ninyong naging chief,” giit ni Palace Press Officer Claire Castro nitong Martes, November 3.
Kasunod ito ng pahayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla na maaaring maging komplikado ang pag-aresto kay Dela Rosa dahil sa kanyang mga koneksyon sa PNP at Philippine Military Academy (PMA).
Ayon kay Castro, dapat manaig ang tungkulin ng pulisya kaysa personal na relasyon.
“Kilala natin mismo si General Nartatez Jr. at alam natin na ang nangunguna sa kaniya ay ang kaniyang obligasyon hindi ang kaniyang pakikipagkaibigan o pakikipag-alyado sa sinuman dapat na arestuhin,” aniya.
Nilinaw din niyang hindi nadidismaya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa matagal na pagtugis hangga’t ginagawa ng mga awtoridad ang kanilang tungkulin.
May arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) laban kay Dela Rosa kaugnay ng mga alegasyon ng crimes against humanity sa drug war ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nag-alok na ang pamahalaan ng P50 milyong reward para sa kanyang pagkakaaresto, habang bumuo ang PNP ng special task force para hanapin siya. /Bistado


