Hindi papayagan ni Senate President Sherwin Gatchalian na magkaroon ng reenacted national budget sa 2027 dahil maaari itong makaantala sa mga bagong infrastructure project at lalo pang makapagpabagal sa ekonomiya.
Sa panayam sa Federation of Philippine Industries Business Summit 2026 sa Taguig City nitong Huwebes, October 29, iginiit ni Gatchalian na kailangang maipasa sa tamang oras ang panukalang P7.2-trilyong budget.
“Wala kang bagong infrastructure, wala kang driver for growth. So, we cannot afford to have a re-enacted budget. We’re very concerned with economy,” ani Gatchalian.
Bumagal sa 2.3 porsiyento ang paglago ng ekonomiya noong ikalawang quarter ng 2026, dahilan upang ibaba ng economic managers ang full-year growth target sa 3.5 hanggang 4.5 porsiyento mula sa dating 5 hanggang 6 porsiyento.
Kasabay nito, pinag-aaralan ng Senado na ibalik ang mga pondong binawas sa foreign-assisted infrastructure projects, kabilang ang Laguna Lakeshore Road, Metro Manila Subway, North-South Commuter Railway at EDSA Busway.
“So, we’re also studying some amounts to restore foreign assistance projects… When it comes to the busway, I agree with that,” ani Gatchalian.
Ayon sa Senate President, sinusuri rin ng Reinvigorate Investment and Sustainable Economic Growth (RISE) initiative ang mga rekomendasyon para mapalakas ang pamumuhunan at ekonomiya.
Bukod sa imprastraktura, bibigyang-prayoridad din sa 2027 budget ang mga hakbang laban sa inaasahang matinding El Niño na maaaring makaapekto sa agrikultura at suplay ng pagkain.
“Itong 2027 budget, we are tilting it to El Niño. So, many items will be for the El Niño response,” ani Gatchalian. /Bistado


