Pinayuhan ng Philippine National Police (PNP) ang mga motorista na tiyaking maayos ang kondisyon ng kanilang sasakyan bago bumiyahe ngayong Undas upang maiwasan ang mga aksidente sa kalsada.
Kasunod ito ng pagtaob ng isang pampasaherong jeepney sa Infanta, Quezon noong October 24, na ikinasugat ng driver at 15 pasahero.
Ayon sa pulisya, pababa sa kalsada ang jeepney nang mawalan umano ng kontrol ang driver dahil sa posibleng problema sa preno.
Dahil dito, pinaalalahanan ang mga motorista na suriin ang preno, gulong, ilaw at iba pang mahahalagang bahagi ng sasakyan bago umalis.
Pinayuhan din ang mga driver na iwasan ang overspeeding, paggamit ng cellphone habang nagmamaneho at pagbiyahe nang pagod o puyat.
Dapat ding maghinay-hinay sa mga pababang kalsada, kurbada at matataong lugar, at panatilihin ang ligtas na distansya sa ibang sasakyan.
Hinikayat naman ang mga pasahero na gumamit ng seatbelt o iba pang available safety restraints at magsumbong kapag may napansing delikadong pagmamaneho.
Samantala, paiigtingin ng PNP ang pagbabantay at pagbibigay ng tulong sa mga pangunahing kalsada, terminal at iba pang mataong lugar habang inaasahang dadagsa ang mga biyahero ngayong Undas. /Bistado


