Kinondena ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) GMA Chapter ang P20-milyong libel at cyberlibel complaint ni Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte laban sa mga opisyal at mamamahayag ng GMA Network dahil sa pag-uulat tungkol sa umano’y paghahatid ng mga maletang puno ng pera sa pamilya Duterte.
Naghain ng reklamo si Duterte nitong Biyernes, October 23, sa Office of the City Prosecutor sa Davao City laban kina National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag, dating pulis Rodulfo Gracioso Jr., at ilang GMA executives, news anchors, reporters at producers.
Kabilang sa mga pinangalanan sina GMA Chairman Felipe Gozon, President Gilberto Duavit Jr., 24 Oras anchors Mel Tiangco, Vicky Morales at Emil Sumangil, gayundin sina Darlene Cay, Marvin Parado at Joel San Luis.
Humihingi ang kongresista ng P10 milyon sa moral damages at P10 milyon sa exemplary damages.
Nag-ugat ang reklamo sa September 25 report ng 24 Oras tungkol sa affidavit ni Gracioso, na nagsabing naghatid umano siya ng mga maletang may lamang pera sa pamilya Duterte sa utos ni dating House Speaker Lord Allan Velasco.
Kabilang sa mga alegasyon ang umano’y P100 milyong naihatid kay Paolo Duterte, mahigit P2 bilyon kay Vice President Sara Duterte at P1 bilyon kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Mariing itinanggi ng pamilya Duterte at kampo ni Velasco ang mga alegasyon.
Ayon sa abogado ni Paolo na si Atty. Peter Paul Danao, walang katotohanan ang mga pahayag ni Gracioso at nakasira ang pag-uulat sa reputasyon ng kanyang kliyente.
Gayunman, iginiit ng NUJP GMA Chapter na dumaan sa mahigpit na editorial at legal verification ang naturang balita bago ito ipinalabas.
Ayon sa grupo, sinuri ng news team ang official sources, law enforcement documents at background information, at nakakuha ng clearance mula sa network leadership at legal counsel.
“The National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) GMA Chapter strongly condemns the multi-million-peso libel and cyberlibel complaint filed by Rep. Paolo Duterte against our colleagues—network executives, news anchors, field reporters, and news producers—alongside other unnamed respondents,” ayon sa pahayag ng grupo.
Ibinunyag din ng NUJP na nakaranas ng matinding online harassment at intimidation ang field reporter na gumawa ng balita.
Maging ang pamilya ng reporter ay nakatanggap umano ng threatening messages, paninira at pekeng AI-manipulated content na naglalayong sirain ang kanyang kredibilidad.
Nilinaw ng grupo na walang dating personal na ugnayan ang reporter kay Gracioso bago ang panayam na isinagawa sa koordinasyon ng law enforcement authorities.
“Journalism is not a crime. Reporting on official affidavits and legal filings involving public officials is an essential part of press freedom and public accountability,” giit ng NUJP.
Nagbabala rin ang grupo na maaaring magdulot ng chilling effect sa media ang paggamit ng criminal libel cases laban sa mga mamamahayag. /Bistado


