Namataan ng BISTADO ang mag-partner na sina Coco Martin at Julia Montes sa awarding rites ng Gawad PASADO na ginanap sa San Beda College, Mendiola, Manila last Oct. 22.
Walang bakas ng pagkailang ang mag-partner na game na game sa pagbibigay saya sa mga nais magpa-piktyur at mga nagvi-video sa kanila.
Tinanghal na Best Actor in a TV series ang aktor-direktor-producer-writer para sa “Batang Quiapo,” habang nanalo naman ang naturang long-running action series bilang Best TV series.
Sa pasasalamat na binanggit ni direk Coco, muli niyang pinasalamatan ang mga dating tao na nakadiskubre sa kanya hanggang sa mga taong ngayon ay kanyang kasama sa produksyon nilang CM Productions.
Matamis din ang naging reception ng mga tao sa event na karamihan ay mga guro dahil exclusive sa mga guro sa buong bansa ang naturang organisasyon ng PASADO.
Kilig na kilig sila sa pagbanggit ni Coco sa partner nitong si Julia na matiyagang nag-vi-video ng parangal para sa kanyang partner.
“Simula ng tanggapin ninyo (Julia) kami, hindi na naputol ang blessing sa aming pamilya. Ibinabalik ko lang po sa inyo ang karangalang ito,” bahagi pa ng speech ni Coco.
Marespeto ding nilapitan nina Coco at Julia ang beteranang aktres na si Odette Khan, na pinarangalan naman ng Lifetime Achievement Award.
Masuyo itong inalalayan ng dalawa habang niyayakap at hinahalikan sa pagkakaupo nito sa kanyang “wheelchair.”
Mayroon ng medical condition ang beteranang aktres at hirap na din itong makalakad kaya naka-wheel chair na siya at binubuhat ng mga guwardiya ng school.
Pinarangalan din ang pelikulang QUEZON na hinakot halos ang mga award mula sa Music, Editing, Cinematography, Director at Best Actor para kay Jericho Rosales na hindi nakarating sa seremonya.
Ka-tie ni Jericho si Joshua Garcia bilang Best Actor para naman sa pelikulang ‘Meet, Greet and Bye’.
Dalawa din ang tinanghal na Best Actress. Sina Charo Santos (Only We Know) at Maris Racal (Sunshine), habang sina Mon Confiado (Quezon) at Jennica Garcia (Sunshine) ang mga nanalong Best Supporting Actor-Actress respectively.
Tatlong Best Picture honors ang pinagsaluhan ng mga pelikulang Quezon, Sunshine at Meet, Greet, Bye.
Si direk Jerrold Tarog ang naging Best Director bukod pa sa Best Music at Editing na kanya ding nakuha para sa Quezon.
Ang bidang bata na si Lucas Andalio mula sa pelikulang Call Me Mother naman ang nagwaging Best Child Performer.
Tinanghal namang Pinaka Pasadong Guro si Romnick Sarmenta na nagtuturo pala sa Trinity College sa Quezon City bukod sa pagiging magaling nitong aktor.
Habang si Pasig Councilor Angelu de leon naman ang nahirang na Pinaka Pasadong Public Servant.
Ito na ang ika-28 taon ng pagkakaloob ng Gawad PASADO ng mga award sa mga taga pelikula, TV at public service.


