Pinalalakas ng Department of Agriculture (DA) at Nestlé Philippines ang kanilang partnership para mapataas ang produksyon ng kape at kita ng mga magsasaka sa Bukidnon, kasabay ng pagpapalawak ng pananaliksik at paggamit ng mas de-kalidad na planting materials.
Sa ilalim ng Mindanao Integrated Coffee Development and Genetic Resource Program, gagawing regional center for coffee research and development ang Northern Mindanao Agricultural Crops and Livelihood Research Complex sa Malaybalay City.
Target ng programa na maitaas sa isang metriko tonelada kada ektarya ang ani ng kape, partikular ang Robusta, habang pinapalakas ang lokal na suplay at kabuhayan ng mga coffee farmer.
Ayon kay Nescafé Business Executive Officer Carl Khoury, naabot na ng mga magsasakang kasali sa Project Coffee+ at Coffee++ ng Nestlé ang average yield na isang metriko tonelada kada ektarya.
“More importantly, the majority of participating farmers have also crossed the poverty line,” ani Khoury.
Palalawakin ang mga resulta ng programa sa pamamagitan ng research trials, regenerative agriculture at technical assistance mula sa Nestlé agronomists at DA extension workers.
Magtatayo rin ng National Coffee Genetic Resource Repository kung saan magbibigay ang Nestlé ng mga kinikilalang Robusta varieties para sa conservation, research at propagation.
Ipagpapatuloy din ang Bukidnon Integrated Coffee Center na may demonstration farms, nurseries, mother plants at farmer training facilities.
Kasama sa mga hakbang ang fertilizer assistance at karagdagang pagsasanay sa ilalim ng Mindanao Robusta Coffee Project.
Layunin ng partnership na mapataas ang ani, mapababa ang production costs at mapalaki ang kita ng mga magsasaka habang pinalalakas ang lokal na industriya ng kape. /Bistado


