Pinaghahandaan ng Department of Education (DepEd) ang posibleng pagpapaikli ng oras ng klase at paglipat sa online o modular learning para maprotektahan ang mga estudyante laban sa matinding init na dulot ng inaasahang malakas na El Niño.
Ayon kay DepEd Assistant Regional Director Kathrine Lotilla, maaaring gawing 6 a.m. hanggang 10 a.m. ang face-to-face classes, depende sa temperatura at kondisyon ng panahon.
“We may adapt a shortened time. Siguro (Maybe), we will start class hours from six, and the maximum of that would be 10 in the morning, and then transition to modular, or they can have it online,” ani Lotilla.
Maaari ring gumamit ng learning activity sheets sa ilalim ng Dynamic Learning Program kung hindi kakayanin ang regular na face-to-face classes.
“Mag depende po kasi sa ano eh, sa temperatura,” dagdag niya.
Kasama rin sa paghahanda ang pagtiyak na may sapat na inuming tubig sa mga paaralan. Hinikayat ang mga estudyante na magdala ng sariling tumbler, habang dapat tiyaking may mapagkukunan ng tubig para sa refill.
Inilahad ang mga hakbang sa pagdiriwang ng International Day for Disaster Risk Reduction 2026 sa Dadiangas West Central Elementary School sa General Santos City.
Samantala, binigyang-diin ni DepEd General Santos City Division Assistant Schools Division Superintendent Mervie Seblos ang regular na disaster drills para masanay ang mga estudyante at school personnel sa tamang pagtugon sa emergencies.
“Dapat may muscle memory ang bawat isa,” ani Seblos.
Ayon sa DepEd, mahalagang pagsabayin ang paghahanda sa matinding init, kaligtasan ng mga estudyante at pagpapatuloy ng kanilang pag-aaral. /Bistado


