Suportado ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang panukalang magdeklara ng State of Calamity para mapabilis ang pagtugon sa super El Niño na posibleng makaapekto sa 4.6 milyong magsasaka at mangingisda at magpababa ng ani ng palay ng isang milyong metriko tonelada.
Sinang-ayunan ni Tiu Laurel ang panukala ni Sen. Francis Pangilinan, chairman ng Senate Committee on Agriculture, kasunod ng mga ulat ng pinsala sa agrikultura sa limang rehiyon.
“Sumasang-ayon ako na magandang magdeklara tayo dahil sa lahat ng palatandaan na magiging Super El Niño ito,” ani Tiu Laurel.
“Lahat ng tao sa buong mundo ay sinasabi ito kaya mas mabuting kumilos tayo agad,” dagdag niya.
Ayon kay Pangilinan, makatutulong ang deklarasyon para mapabilis ang paglalaan ng pondo at iba pang tulong laban sa tagtuyot bago lumaki ang pinsala.
Binanggit niya ang cocolisap infestation noong 2014 hanggang 2015 na nakaapekto sa dalawang milyong puno ng niyog sa CALABARZON.
Nakatulong umano ang State of Calamity declaration noon para makapaglaan ng P500 milyong karagdagang suporta at mapigilan ang pagkalat ng peste sa loob ng anim na buwan.
Nag-alok si Pangilinan na makipagtulungan sa Department of Agriculture (DA) para kumbinsihin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na aprubahan ang deklarasyon.
Sa worst-case scenario ng DA, tinatayang 4.6 milyon sa 10.4 milyong magsasaka at mangingisda ang maaaring maapektuhan, habang posibleng bumaba ng isang milyong metriko tonelada ang produksyon ng palay.
“Magbibigay ito sa atin ng kakayahang maagapan ang mga panganib, mabawasan ang posibleng pinsala, at mabilis na makatugon sa mga lugar na nanganganib sa mga epekto ng Super El Niño,” ani Agriculture Undersecretary Christopher Morales.
Nakadepende pa rin sa umiiral na batas at desisyon ng pamahalaan ang pondong mailalabas at mga hakbang na maaaring ipatupad. /Bistado


