Umabot sa 32,000 pirasong sariwang buko ang ipinadala ng Pilipinas sa Liberia sa Africa bilang donasyon sa mga rural community, kasabay ng pagsisikap ng Department of Agriculture (DA) na magbukas ng bagong export market para sa mga magsasaka ng niyog.
Nakipagtulungan ang DA sa Davao City-based Abante Agri-Products Philippines Inc. para ipadala ang tinatayang 50 metriko toneladang buko na nagkakahalaga ng $22,400 o humigit-kumulang P1.3 milyon.
Gumamit ang exporter ng dalawang 40-foot refrigerated containers na may tig-16,000 buko, na nakaimpake sa 800 sako bawat container.
Dumaan ang shipment sa Ministry of Agriculture ng Liberia, habang ang shipping company na CMA CGM ang nangasiwa sa transportasyon gamit ang Smart Reefer Container technology para mapanatiling sariwa ang mga produkto.
Ipamamahagi ang mga buko sa mga pamayanang rural sa Liberia bilang suporta sa feeding programs at pangangailangan ng mga pamilya.
Ayon sa DA, maaaring magsilbing panimulang hakbang ang shipment para mapasok ng mga produktong niyog ng Pilipinas ang merkado sa West Africa.
“Ang pagpapalawak sa mga bagong pandaigdigang pamilihan ay lumilikha ng mga oportunidad para sa ating mga magsasaka ng niyog at mga exporter,” ani Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
“Ang hamon ay kung paano natin gagawing tuluy-tuloy ito sa pamamagitan ng mga paunang pagpapadala, upang makapagbigay ng mas magandang kita sa ating mga magsasaka at mapalakas ang industriya ng niyog sa Pilipinas,” dagdag niya.
Sinuportahan ang shipment ng DA Regional Field Office XI, sa pangunguna ni Regional Executive Director Macario Gonzaga, at Philippine Coconut Authority Region XI.
Gayunman, nilinaw ng DA na hindi awtomatikong tataas ang kita ng mga magsasaka dahil lamang sa paglaki ng exports.
Mahalaga pa rin ang shipping costs, kalidad ng produkto, tuloy-tuloy na suplay at aktuwal na presyong natatanggap ng mga magsasaka para maging pangmatagalan ang benepisyo ng bagong merkado. /Bistado


