Muling dumami ang mga paring Katoliko sa buong mundo matapos ang limang taong walang paglago, ngunit patuloy na bumababa ang bilang ng mga seminarista.
Batay sa datos ng Vatican missionary agency na Fides, umakyat sa 407,421 ang mga pari mula sa 406,996, o dagdag na 425.
Nanguna ang Africa sa pagdami ng mga pari na may 1,676, sinundan ng Asia na may 1,065 at Americas na may 199. Nabawasan naman ng 2,483 sa Europe at 32 sa Oceania.
Umabot sa 279,238 ang diocesan priests, dagdag na 496, habang bumaba ng 71 sa 128,183 ang mga pari sa religious orders.
Samantala, lumobo sa 1.42 bilyon ang populasyon ng mga Katoliko, katumbas ng 17.8 porsiyento ng populasyon sa mundo.
Dagdag na 16.69 milyon ito mula sa nakaraang taon, kung saan pinakamalaki ang paglago sa Africa na may 7.58 milyon at Americas na halos 7 milyon.
Sa kabila ng pagdami ng mga pari, tumaas sa 3,491 ang average na bilang ng mga Katoliko kada pari.
Bumaba naman sa 103,604 ang major seminarians, o bawas na 2,891. Africa lamang ang nakapagtala ng pagtaas, habang pinakamalaki ang ibinaba sa Asia na may 2,733.
Kumonti rin sa 94,041 ang minor seminarians, habang bumaba sa 580,131 ang mga madre matapos mabawasan ng 9,292.
Patuloy namang nagpapatakbo ang Simbahang Katolika ng 75,448 kindergarten, 103,666 primary schools at 51,810 secondary schools na nagsisilbi sa mahigit 64 milyong mag-aaral.
Mayroon din itong 101,110 healthcare at social assistance facilities, kabilang ang 5,397 ospital, 13,646 dispensaryo, 16,263 tahanan para sa matatanda, may karamdaman at persons with disabilities, at 8,138 orphanages.
Inilabas ang datos kaugnay ng ika-100 World Mission Sunday noong October 18, batay sa opisyal na estadistika ng Simbahan para sa 2024. /Bistado


