Uuwi na sa Pilipinas sa Lunes, October 19, ang unang batch ng 34 overseas Filipino workers (OFWs) mula Riyadh, Saudi Arabia, habang inaayos ang pagpapauwi sa 315 pa matapos maapektuhan ng mga kanselasyon at pagkaantala ng flights.
Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), kabilang ang 34 sa 249 OFWs na may kumpirmadong flight bookings. Ang natitirang 215 ay nakatakdang makauwi mula October 19 hanggang 25, habang inaayos pa ang biyahe ng 100 iba pa.
Kabuuang 349 OFWs ang sakop ng kasalukuyang repatriation efforts kasunod ng insidente sa King Khalid International Airport sa Riyadh.
Kabilang sa mga tinutulungan ang mga manggagawa mula sa Bahay Kalinga, nasa pangangalaga ng Saudi recruitment agencies at pansamantalang nanunuluyan sa mga hotel.
Umalis sa Riyadh ang unang batch noong Sabado ng gabi patungong Al Qassim Airport, kasama si OWWA Welfare Officer Sergio Borgueta at iba pang kawani ng ahensya.
Nakatakda silang sumakay sa Qatar Airways flight QR 1197 patungong Doha, Qatar, bago lumipat sa flight QR 934 papuntang Manila.
Inaasahang darating sila sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 bandang 8:15 ng umaga sa Lunes.
Bago bumiyahe, sumailalim ang mga OFW sa pre-flight orientation at safety briefing tungkol sa travel documents at airport procedures.
Nagbigay rin ang OWWA Riyadh, katuwang ang Migrant Workers Office at Philippine Embassy sa pamumuno ni Ambassador Raymond Balatbat, ng pansamantalang tirahan, pagkain, transportasyon at plane tickets.
“Sa panahon ng pangangailangan, kailangang mabilis ang aksyon ng OWWA. Kapag naaantala ang biyahe ng ating mga OFW, dapat agad nating maiparating ang tulong at malinaw na impormasyon tungkol sa kanilang pag-uwi. Tinitiyak nating may matutuluyan, makakain, at maaasahang pag-alalay ang ating mga kababayan habang inaayos ang kanilang biyahe,” sabi ni OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan.
Pagdating sa Pilipinas, sasalubungin sila ng OWWA Repatriation and Assistance Division para sa airport assistance, transportasyon, pansamantalang matutuluyan kung kailangan at domestic flights pauwi sa probinsiya.
Inaayos din ang alternative flights sa Al Qassim at Dammam para sa iba pang apektadong manggagawa.
Pinopondohan ang operasyon sa pamamagitan ng supplemental Emergency Repatriation Fund sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Saving Lives Program, habang ginagamit ng Department of Migrant Workers (DMW) ang AKSYON Fund para sa karagdagang ayuda.
Patuloy ang koordinasyon ng OWWA at DMW, sa pamumuno ni Secretary Hans Leo Cacdac, sa Department of Foreign Affairs, Philippine Embassy at mga airline para sa susunod na repatriation flights.
“Sa likod ng bawat OFW na ating pinapauwi ay may pamilyang naghihintay. Kaya para sa amin sa OWWA, hindi lang ito tungkol sa flight bookings o repatriation tickets. Ang mahalaga ay maayos at ligtas ang kanilang paglalakbay pabalik sa kanilang mga mahal sa buhay. Hindi nagtatapos ang Alagang OWWA sa airport. Patuloy ang aming pag-alalay hanggang makauwi sila sa kanilang mga pamilya,” ani Caunan. /Bistado


