Nasagip ng pulisya ang dalawang batang edad 11 at 3 na umano’y sapilitang kinuha sa kanilang bahay sa Pasay City, habang arestado ang 37-anyos na lalaking suspek sa San Fernando, Pampanga.
Kinilala ang suspek na si alyas “Perdi,” na nadakip noong Lunes, October 26, sa Barangay Malpitic sa isang operasyon ng Pasay City Police at mga awtoridad sa Pampanga.
Batay sa imbestigasyon, kinuha umano ang dalawang bata sa kanilang bahay sa Barangay 184, Maricaban, Pasay City noong October 24 nang walang pahintulot ng kanilang ina.
Nang malamang nasa Pampanga ang mga bata, humingi ng tulong sa pulisya ang ina at positibong kinilala ang kanyang mga anak at ang suspek.
Napag-alamang dating kinakasama ng ina ang lalaki at biyolohikal na ama ng tatlong taong gulang na bata.
Nahaharap ang suspek sa reklamong forcible abduction sa ilalim ng Article 342 ng Revised Penal Code at paglabag sa Republic Act No. 7610 o batas laban sa pang-aabuso at pagsasamantala sa mga bata.
May nauna na rin siyang hiwalay na kasong may kaugnayan sa umano’y sexual assault sa nakatatandang bata, na kasalukuyang nasa preliminary investigation.
Dinala ang suspek sa Pasay City Police Station para sa dokumentasyon at isinailalim sa medical examination sa Pasay City General Hospital.
Inihahanda na ang mga reklamo para sa inquest proceedings sa Pasay City Prosecutor’s Office. /Bistado


