Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

US nagbigay ng $34.1-M grant para palakasin ang industriya ng ube sa Pilipinas

Magbibigay ang Estados Unidos ng $34.1 milyon, o humigit-kumulang P2.1 bilyon, para palakasin ang produksyon at pag-export ng ube sa Pilipinas, na inaasahang pakikinabangan ng mahigit 12,500 magsasaka sa loob ng limang taon.

Inanunsyo ni US Ambassador Lee Lipton ang grant noong Huwebes, October 22, sa gitna ng lumalaking pandaigdigang demand para sa ube.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., makatutulong ang pondo para mapataas ang produksyon at kita ng mga magsasaka.

“Sa pamamagitan ng pagpapalakas sa buong value chain, magagawa nating maging mas makipagsabayan sa produktong ube habang isinusulong ang inklusibong pag-unlad sa mga komunidad sa kanayunan,” ani Tiu Laurel.

Sa ilalim ng Food for Progress Program ng US Department of Agriculture (USDA), ang US-based nonprofit na TechnoServe ang mangangasiwa sa proyekto.

Popondohan ito mula sa pagbebenta ng halos 40,000 metriko tonelada ng American soybean meal.

May hiwalay ding P300-milyong programa ang Department of Agriculture (DA) para doblehin ang kasalukuyang lawak ng taniman ng ube, bilang bahagi ng target na magdagdag ng 1,000 ektarya sa unang taon.

Tinatayang P850,000 kada ektarya ang kailangan para sa pagpapaunlad ng sakahan, pasilidad at produksyon.

Nakatakdang simulan ang unang yugto sa November 2026, kasabay ng anihan at pagpaparami ng planting materials. Sampung uri ng ube ang napili para sa malawakang pagtatanim.

Target ng DA na mapalawak ang produksyon at mapanatili ang sapat na suplay para sa lumalaking export market. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles