Naghain ng ikatlong mosyon sa Korte Suprema ang mga abogado ng Ugnayan ng mga Lumalaban sa Airport Privatization (ULAP) upang ipatigil ang paniningil ng mas mataas na airport fees sa Ninoy Aquino International Airport habang dinidinig ang kanilang kaso laban sa kasunduan sa pribatisasyon nito.
Sa mosyong may petsang November 19, 2026, binanggit nina Atty. Rico Domingo at Atty. Caesar Oracion ang panibagong apela ng Air Carriers Association of the Philippines na bawasan o alisin muna ang airport charges dahil sa mahal na jet fuel at mahinang piso.
Giit ng mga petitioner, pasahero rin ang sumasalo sa dagdag-gastos: bukod sa direktang binabayarang terminal fee, naipapasa sa presyo ng tiket ang mga singil sa airlines.
Noong October 2024, tumaas ng 220% ang landing at take-off fees sa NAIA.
Para sa aircraft na hanggang 50,000 kilo, sumipa naman ng 1,444% ang parking rate sa unang kalahating oras para sa international operations at 1,433.75% para sa domestic operations.
Sumunod ding itinaas ang domestic terminal fee mula P200 tungong P390 at international terminal fee mula P550 tungong P950.
Ayon kay Domingo, naipatupad ang mga taas-singil matapos ilipat ang operasyon sa New NAIA Infra Corp. (NNIC), kahit wala pa umano itong naitatayong bagong istruktura.
Iginiit niyang nabayaran na ng publiko ang mga kasalukuyang terminal, pero pinapasan pa ngayon ng mga pasahero ang gastos sa mga pagpapahusay bago pa maihatid ng pribadong operator ang mga ito.
Kinuwestiyon din niya ang MIAA Revised Administrative Order No. 1, na umano’y ipinalabas nang walang wasto at makabuluhang konsultasyon sa publiko.
Ayon kay Domingo, minimum sa halip na maximum rate ang itinakda para sa mga “Non-Regulated Fees.” NNIC lamang umano ang magtatakda ng mga adjustment nang hindi dumaraan sa kinakailangang prosesong administratibo, na iginiit niyang labag sa batas.
“The Honorable Court’s issuance of a TRO or writ of preliminary injunction is the only viable and comprehensive means to protect the users of NAIA, and even the State itself, from further grave and irreparable injury,” ayon sa mga petitioner. /Bistado


