Napabilang ang Malagos chocolate mula Davao City sa mga produktong Pilipinong ipinangregalo sa mga lider at delegadong dumalo sa 49th ASEAN Summit sa Manila.
Tumulong ang Department of Trade and Industry-Davao Region (DTI-XI) upang maisama ang mga tsokolate sa mga napiling regalo.
“During the ASEAN conference, DTI was tasked to identify and refer products per region para ibigay sa mga ASEAN leaders. Fortunately for Davao Region, what was selected was Malagos chocolates,” sinabi ni DTI-XI Assistant Regional Director Rachel Remitio.
Kabilang sa mga produkto nito ang dark chocolate bars at tableya. Ayon kay Remitio, partikular na hiniling ang dark chocolate para sa mga delegado.
Pag-aari ng pamilyang Puentespina ang Malagos Chocolate. Pinasok nila ang negosyong cacao noong 2003 sa pamamagitan ng pag-upa sa isang sakahan. Nakakuha na ang kanilang mga tsokolate ng 56 international awards.
Noong 2017, kasama rin ang Malagos chocolates sa mga regalong ibinigay sa mga asawa ng mga lider na dumalo sa 31st ASEAN Summit.
Para sa pagtitipon ngayong taon, muling inilabas ang ASEAN gift box nito na may isang lata ng unsweetened chocolate, tig-tatlong bar ng 65%, 72% at 85% dark chocolate, at dalawang handmade na maliliit na tasa.
Nakipagtulungan din ang Malagos sa Selecta para sa isang flavor ng premium ice cream line na Crema Prima. Itinampok ang produkto sa 2026 ASEAN Business Awards.
Mabibili rin ang Malagos chocolates sa Madayaw Regional Trade Fair sa December 4 hanggang 8 sa Atrium ng Shangri-La Plaza sa Mandaluyong City.
Kabilang ito sa 44 lokal na micro, small and medium enterprises na lalahok sa trade fair na inorganisa ng DTI-XI. /Bistado


