Ibinasura ng Korte Suprema ang mga petisyong habeas corpus na kumukuwestiyon sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil nasa kustodiya na siya ng International Criminal Court (ICC) at hindi na maipatutupad ang writ mula sa mga hukuman sa Pilipinas.
Sa botong 9-4, tinanggihan ng SC En Banc ang pinagsamang petisyon nina Sebastian, Veronica at Paolo Duterte sa ngalan ng kanilang ama.
Isinulat ni Associate Justice Japar Dimaampao ang desisyong may petsang November 11, 2026. Nasa opisyal na lakad si Associate Justice Samuel Gaerlan.
Ayon sa SC, naging moot ang mga petisyon dahil nasa The Hague, Netherlands na si Duterte. Ang habeas corpus, na ginagamit upang kuwestiyunin ang ilegal na pagkakakulong at humiling ng pagpapalaya, ay maipatutupad lamang sa loob ng Pilipinas.
Wala na rin sa kustodiya o kontrol ng mga opisyal na Pilipinong pinangalanan sa mga petisyon ang dating pangulo. Hindi na sila maaaring utusang iharap o palayain siya sa pamamagitan ng writ.
“Significantly, [Duterte] is not just beyond the Court’s coercive powers, but also stands accused before an international tribunal that has assumed jurisdiction over his person,” ayon sa SC.
Binanggit din ng hukuman na lumalahok na si Duterte sa mga paglilitis sa ICC at gumagamit ng mga legal na remedyo roon.
Gayunman, nilinaw ng SC na ang pagbasura sa mga petisyon ay hindi nangangahulugang legal ang pag-aresto at paglilipat kay Duterte, o na walang nalabag sa kanyang mga karapatan. Ang desisyon ay nakatuon lamang sa kung maaari pang gamitin at ipatupad ang habeas corpus.
Inaresto si Duterte noong March 11, 2025, pagkabalik mula Hong Kong, batay sa warrant ng ICC para sa crimes against humanity. Kinagabihan, isinakay siya sa eroplanong patungong The Hague.
Kinabukasan naghain ng magkakahiwalay na petisyon ang kanyang mga anak. Iginiit nilang hindi maipatutupad sa Pilipinas ang ICC warrant dahil kumalas na ang bansa sa Rome Statute. Nilabag din umano ng pag-aresto ang Konstitusyon at mga batas.
Sa magkakahiwalay na opinyon, tumutol sina Justices Ramon Paul Hernando, Amy Lazaro-Javier, Henri Jean Paul Inting at Antonio Kho Jr. sa pagbasura. Iginiit nilang dapat pa ring suriin ang legalidad ng ginawa ng mga opisyal na Pilipino kahit nasa ICC na si Duterte.
Para kina Hernando at Kho, labag sa Konstitusyon ang pagsuko kay Duterte. Kinuwestiyon ni Hernando ang Section 17 ng Republic Act 9851, habang iginiit ni Kho ang pangangailangan ng wastong batas at paunang pahintulot ng hukuman.
Sumang-ayon naman si Senior Associate Justice Marvic Leonen sa pagbasura, pero iginiit niyang dapat sagutin ng SC ang mahahalagang usaping konstitusyonal na maaaring maulit sa mga susunod na kaso.
Sina Justices Alfredo Benjamin Caguioa at Maria Filomena Singh ay sumang-ayon din sa pagbasura at tumutol sa paggamit ng kasong ito upang magtakda ng mga gabay sa pagpapatupad ng foreign warrants. Nilinaw ni Singh na pagsuko sa isang pandaigdigang hukuman ang paglilipat kay Duterte, hindi extradition sa ibang estado.
Sa hiwalay na opinyon, sinabi ni Justice Raul Villanueva na balido ang ICC warrant at naaayon sa RA 9851 ang ginawa ng mga awtoridad.
Ayon sa SC, dapat idaan sa angkop na paglilitis ang anumang paghahabol tungkol sa paglabag sa karapatan, danyos o pananagutan. Hiwalay at nakabinbin pa ang petisyon ni Duterte, G.R. No. 278747, na humihiling na pigilan ang pakikipagtulungan ng mga opisyal ng Pilipinas sa ICC. /Bistado


