Kumpirmadong labing-isang bansa, kabilang ang Pilipinas, ang lalahok sa Tagaytay CT Velodrome leg ng Track Asia Cup na nakatakdang ganapin mula Disyembre 1 hanggang 7 sa Tagaytay City.
Ito ang ikalawang malaking kompetisyon na iho-host ng Tagaytay City matapos ang internasyonal na debut ng Tagaytay CT Velodrome na kinikilala ng world governing body (UCI) sa ginanap na 45th Asian Cycling Confederation (ACC) Track Championships noong Marso.
“We are proud that the Tagaytay CT Velodrome is living up to its purpose. And we are also thankful to our fellow federations in Asia for their response to our invitation for the Track Asia Cup,” pahayag ni Philippine Olympic Committee at PhilCycling president Abraham Tolentino.
Ang edisyon sa Tagaytay City, na sinusuportahan din ng Philippine Sports Commission, ang ikatlo at huling yugto ngayong taon matapos i-host ng India ang unang leg sa Chennai noong Enero at ng Thailand ang ikalawang leg sa Suphan Buri noong Agosto.
Nanaig ang India sa medal tally sa Chennai samantalang magkaka-ibang bansa ang nanalo sa individual at team events sa Suphan Buri.
Makakasagupa ng Standard Insurance Philippines Track Team ang mga koponan mula sa South Korea, Saudi Arabia, Uzbekistan, Malaysia, United Arab Emirates, Indonesia, Oman, India at South Africa, bukod sa iba pa.
Itinakda ng UCI ang Track Asia Cup bilang Class 2 track competition na may mga event na Keirin, time trial, sprint, team sprint, individual pursuit, points race at scratch race para sa men’s at women’s elite at junior categories, gayundin ang omnium (scratch, tempo, elimination at points) para sa men’s at women’s elite.
Inaasahang dadalo sa kompetisyon sina ACC president Dato Amarjit Singh Gill at secretary-general KozimKozim Urinboykhujaev, kasama ang mga matataas na opisyal at pangulo ng mga pambansang pederasyong kalahok.


